MANILA, Philippines — Ipinag-utos ng Department of Agriculture (DA) ang pagsira sa P86.7 milyong halaga ng imported na pulang sibuyas mula China na inabandona sa Manila International Container Port (MICP) matapos mapatunayang hindi na ligtas para sa pagkain.
Binubuo ang shipment ng 26 na 20-foot containers na may kabuuang humigit-kumulang 650 metric tons o 72,215 sako ng pulang sibuyas, katumbas ng halos isang araw na pambansang konsumo.
Inirekomenda ng Bureau of Plant Industry (BPI) ang pagsira sa kargamento matapos makumpirma sa laboratory analysis na nagdudulot ito ng panganib sa kalusugan.
“The results of the laboratory analysis clearly show that the shipment poses serious health risks and is no longer fit for human consumption. We cannot allow these to enter the market,” ani Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
“The proper course of action is the immediate destruction of the entire consignment.”
Ayon sa BPI, ang matagal na pagkakatengga at kakulangan sa wastong paghawak sa kargamento ang naging sanhi ng malawakang pagkasira ng mga sibuyas, kabilang ang pagsibol, pagkabulok, fungal infestation, discoloration, at mabahong amoy.
Babala pa ng ahensya, maaari itong magdulot ng kontaminasyon at pest infestation na banta sa biosecurity.
Dumating ang shipment noong nakaraang taon, kung saan ang ilan sa mga kargamento ay nakarating sa pantalan sa pagitan ng Disyembre 2025 at Enero 2026. Mayroon din itong tinatayang P9.7 milyong hindi nabayarang duties at taxes. Santi Celario