ILOILO, Philippines – Inaresto ng Iloilo City Police Office (ICPO) ang walong indibidwal at nasamsam ang mahigit ₱800,000 na halaga ng hinihinalang shabu sa loob ng 24 oras na operasyon laban sa iligal na droga.
Mula 6 a.m. ng June 17 hanggang 6 a.m. ng June 18, nagsagawa ang ICPO ng pitong magkakahiwalay na operasyon sa iba’t ibang bahagi ng lungsod na nagresulta sa pagkakakumpiska ng humigit-kumulang 119 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱809,200.
Kabilang sa mga naaresto ang dalawang High-Value Individuals (HVI) at anim na Street-Level Individuals (SLI).
Pinakamalaking operasyon ay naganap sa buy-bust operation noong Miyerkules ng gabi sa Arevalo, Barangay Sto. Niño Sur, kung saan naaresto ang dalawang HVI na kinilala sa alyas na “RJ,” 40, at “Kana,” 37. Nakakuha sa kanila ang mga awtoridad ng humigit-kumulang 70 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱476,000, kasama ang buy-bust money at iba pang ebidensya.
Isinagawa ang operasyon ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) kasama ang Iloilo Maritime Police Station, SWAT, at Police Station 6 Drug Enforcement Team.
Ayon sa pulisya, ang lahat ng naaresto ay haharap sa kaso sa ilalim ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri naman ng PRO6 ang operasyon ng ICPO, na nagsabing nagpapakita ito ng matibay na intelligence-driven approach at dedikasyon sa pagpuksa ng iligal na droga sa komunidad. RNT/MND