MANILA, Philippines – Kinastigo ng House prosecution panel spokesperson na si Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong ang defense team ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng listahan ng mga witness para sa impeachment trial sa Senado.
Ayon kay Adiong, “Eh kung mahina ‘yung aming ebidensya e bakit sila mismo ina-adopt nila ‘yung ating mga witnesses no,” matapos ang unang pre-trial conference noong Biyernes, June 19.
Sinabi niya na mas maraming inaasahan mula sa depensa, kabilang ang direktang pagsagot at pagkontra sa mga ebidensya ng House prosecution.
Ayon sa ulat, mahigit 100 witness ang inilista ng defense, habang 57 naman ang sa prosecution.
Giit ni Adiong, “The whole country is expecting na mag-submit sila ng kanilang specific, substantial counterargument and contravening evidence and also to answer provide answers at tsaka pabulaanan yung mga ebidensya yung pag presenta ng House prosecution team.”
Dagdag pa niya, tila inuulit lamang ng depensa ang kanilang naunang argumento na kumukuwestyon sa kabuuang impeachment process sa halip na direktang sagutin ang mga paratang.
“So…makikita natin ang pre-trial brief nila ay basically, going back to their old narrative na questioning the entire process, wala ho silang i-offer,” aniya.
Paliwanag pa ni Adiong, kung mahina ang ebidensya ng prosecution, dapat ay direktang kontrahin ito ng depensa.
“Pero sa nakita natin, wala. Puro sila technical issues nila,” dagdag niya. RNT/MND