Home METRO 9 LTO personnel sa AgNor arestado sa pangongotong

9 LTO personnel sa AgNor arestado sa pangongotong

3
0

AGUSAN DEL NORTE, Philippines – Muling umusbong ang mga alegasyon ng “kotong” o pangingikil laban sa ilang tauhan ng Land Transportation Office (LTO) matapos maaresto ang siyam na miyembro ng LTO Caraga Regional Law Enforcement Section sa entrapment operation sa Buenavista, Agusan del Norte noong Hunyo 18.

Ayon sa mga awtoridad, ang operasyon ay isinagawa bandang 6 a.m. sa Purok 5, Barangay Alubijid, na target ang umano’y extortion activities laban sa mga truck at delivery drivers sa national highway.

Sinabi ng Police Regional Office 13 (PRO13) na ang operasyon ay base sa validated intelligence information at isinagawa sa koordinasyon ng LTO Task Force Central Office, police units, at Buenavista Municipal Police Station.

Naaktuhan umano sa aktong pangingikil ang mga suspek at narekober sa kanila ang marked money, cash, communication devices, traffic apprehension forms, at iba pang ebidensya na kaugnay ng operasyon.

Isa sa mga naaresto ay nahaharap din sa dagdag na kaso dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act matapos umanong hindi makapagpakita ng Permit to Carry Firearm Outside of Residence (PTCFOR).

Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek habang inihahanda ang mga kasong graft and corruption, direct bribery, at robbery extortion.

Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, “There is no room for corruption in the LTO. Anyone who violates the law and betrays public trust will be held accountable administratively and criminally.”

Inutusan niya ang agarang paghahain ng kasong administratibo at kriminal laban sa mga sangkot, habang tiniyak ang koordinasyon sa law enforcement agencies.

Ayon sa PRO13, layunin ng operasyon na tugunan ang patuloy na reklamo ng korapsyon at pang-aabuso sa ilang field personnel ng ahensya. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here