MANILA, Philippines – Naghain si Pusong Pinoy partylist Rep. Jett Nisay ng panukalang batas na magtatakda ng mas mahigpit na regulasyon at safety standards para sa mga off-campus activities ng mga estudyante.
Sa House Bill 9892 o “Local Off-Campus Activities Safety Act,” magiging mandatory ang risk assessment at medical screening ng mga estudyanteng sasali sa off-campus activities, pati na rin ang mahigpit na parental consent at kumpletong paglalatag ng requirements ng event organizers.
Ayon sa panukala, papatawan ng ₱3 milyon na multa ang mga paaralan at mga opisyal na mapapatunayang nagpabaya sa kanilang tungkulin.
Maaari ring sampahan ng kaukulang kaso ang mga resort owner at tour operator na sangkot sa anumang aksidenteng mangyari sa mga ganitong aktibidad.
Sa pahayag ni Nisay, inihain niya ang panukala kasunod ng insidente kung saan nasawi ang dalawang Ateneo rookie athletes at iba pang aksidente sa mga off-campus activities sa nakalipas na mga taon. RNT/MND