MAGUINDANAO DEL SUR, Philippines – Sumuko sa Philippine Army ang 15 miyembro ng isang local terrorist group sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur nitong umaga ng Hunyo 19, kasama ang kanilang mga armas.
Ipinresenta ng 90th Infantry Battalion ang mga sumuko sa 601st Infantry Brigade sa isang surrender rites na ginanap sa headquarters ng batalyon sa Barangay Kabengi.
Ayon kay Lt. Col. Loqui O. Marco, bahagi ito ng patuloy na kampanya ng pamahalaan para sa kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.
Ang mga LGU ng Datu Saudi Ampatuan, Datu Hoffer, Shariff Aguak, Ampatuan, Datu Unsay, at Datu Abdullah Sangki, kasama ang provincial government ng Maguindanao del Sur, ay tumulong sa ilalim ng government ‘Balik-Loob Program.’
Ayon sa ulat, isinuko rin ng mga dating rebelde ang iba’t ibang armas gaya ng high-powered firearms, shotguns, grenade launchers, Uzi submachine gun, at improvised explosive devices (IEDs).
Ayon kay Brig. Gen. Edgar Catu, “The voluntary surrender of fifteen former members of an armed group is clear proof that our collective efforts for peace are yielding positive results.”
Dagdag naman ni Maj. Gen. Jose Vladimir R. Cagara, patuloy nilang hinihikayat ang iba pang miyembro ng armadong grupo na magbalik-loob at gamitin ang mga programang tulong ng gobyerno para magsimula ng panibagong buhay. RNT/MND