MANILA, Philippines – Tinatayang 5.3 milyong Pilipino ang makikinabang sa pinahusay na serbisyo ng pamahalaan matapos ikonekta ang humigit-kumulang 500 government agencies at facilities sa Mindanao sa ilalim ng unang yugto ng Mindanao Integrated Government Network (MIGN), ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT) noong Hunyo 19.
Ang proyekto, na bahagi ng National Fiber Backbone Project, ay layuning tugunan ang matagal nang problema sa konektibidad sa mga liblib at madalas tamaan ng sakuna na lugar.
Ayon sa DICT, konektado na ang mga government facilities sa Cagayan de Oro, Butuan, Davao City, Koronadal, at Pagadian, bilang bahagi ng lumalawak na National Fiber Backbone na nag-uugnay sa mga ahensya ng gobyerno sa iba’t ibang rehiyon.
Kabilang sa mga konektadong ahensya ang DepEd, TESDA, DOLE, DPWH, DENR, at Office of Civil Defense (OCD).
Ayon sa DICT, magreresulta ito sa mas mabilis na access sa edukasyon, trabaho, at iba pang serbisyo ng gobyerno, pati na rin sa mas mahusay na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya sa pamamagitan ng real-time data sharing.
Dagdag pa ng ahensya, palalakasin din nito ang disaster preparedness at emergency response sa pamamagitan ng mas mabilis na palitan ng impormasyon sa panahon ng sakuna tulad ng lindol, bagyo, at baha.
“Connectivity is not just convenience, it is a lifeline. It is coordination, safety, and faster response when every second matters. This is the real promise: not just better technology, but better service. Not just faster internet, but faster response to people’s needs,” ayon kay DICT Secretary Henry Aguda.
Ayon pa sa DICT, ang proyekto ay mahalagang hakbang sa pagkonekta ng mga ahensya sa Luzon, Visayas, at Mindanao sa isang unified digital infrastructure, na inaasahang magpapahusay din sa internet access at posibleng magpababa ng gastos sa serbisyo. RNT/MND