Home NATIONWIDE ‘Unauthorized’ MBHTE bank account noong panahon ni Iqbal binusisi sa BTA hearing

‘Unauthorized’ MBHTE bank account noong panahon ni Iqbal binusisi sa BTA hearing

3
0

COTABATO CITY — Natuklasan sa patuloy na imbestigasyon ng Bangsamoro Parliament ang umano’y hindi awtorisadong bank account ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education noong panahon ng dating Education Minister at interim Chief Minister na si Mohagher Iqbal, kung saan idineposito ang halos P4.9 bilyong pondo ng regional government sa halip na maibalik sa Bangsamoro Treasury.

Lumutang din sa pagdinig ang hindi umano naipadalang humigit-kumulang P415 milyong kontribusyon sa Government Service Insurance System (GSIS) na nakaapekto sa tinatayang 10,000 guro at mga kawani ng edukasyon, kabilang ang mga matagal nang walang permanenteng appointment at maaaring maapektuhan ang kanilang mga benepisyo at iba pang transaksyon sa pamahalaan.

Tinalakay ang mga isyung ito sa magkasanib na pagdinig ng Committee on Finance, Budget and Management at Committee on Basic, Higher and Technical Education ng Bangsamoro Parliament na pinamunuan nina MP Atty. Kitem Kadatuan Jr. at MP Tomanda Antok.

Ayon kay Deputy Floor Leader at Member of Parliament Atty. Naguib Sinarimbo, unang natuklasan ang naturang account sa budget deliberations noong Nobyembre ng nakaraang taon nang mabatid ng mga mambabatas na bilyon-bilyong pisong hindi nagamit na pondo ang inilagay sa isang hiwalay na “current account” sa halip na sa opisyal na treasury account ng ministeryo.

Ipinaliwanag ni Sinarimbo na hindi umano ito umaayon sa umiiral na sistema ng Ministry of Finance, Budget and Management (MFBM), kung saan ang mga hindi nagamit na pondo ay dapat na awtomatikong maibalik sa Bangsamoro Treasury.

“Mayroon pong P4.9 bilyon na pera na nakadeposito sa hiwalay na account ng ministeryo na dapat sana ay idineposito sa Bangsamoro Treasury Account,” ani Sinarimbo.

Batay sa mga dokumentong inilahad sa pagdinig, umabot sa P4,918,078,920.68 ang kabuuang pondong hindi nai-revert mula 2023 hanggang 2025.

Iginiit ni Sinarimbo na ang pagkakaroon ng hiwalay na current account ay nagpapakita umano ng hindi pagsunod sa umiiral na mga patakaran sa pangangasiwa ng pondo ng pamahalaan na naglalayong matiyak ang wastong pagbabalik ng mga hindi nagamit na pondo sa Bangsamoro Treasury.

“Ang perang dapat na naibalik sa treasury ay hindi naibalik dahil inilagay ito sa isang current account sa halip na sa treasury account,” aniya.

Nagbabala rin ang mga mambabatas na maaaring magkaroon ng mas malawak na epekto ang ganitong sistema sa operasyon ng ministeryo at sa kakayahan nitong tugunan ang mga obligasyong pinansyal.

Ayon kay Sinarimbo, ang mga naantalang remittance at hindi naibalik na pondo ay maaaring makaapekto sa pagbabayad sa mga supplier at mga ahensya ng pamahalaan tulad ng GSIS, PhilHealth at iba pang pinagkakautangan ng ministeryo.

Partikular na binigyang-diin sa pagdinig ang hindi pagbabayad ng P415 milyong GSIS contributions, kung saan nagpahayag ng pagkabahala ang mga mambabatas sa epekto nito sa libo-libong guro at mga kawani ng edukasyon na matagal nang naghihintay ng katiyakan sa kanilang trabaho at mga benepisyo bilang empleyado ng pamahalaan.

Sa panig naman ng MBHTE, sinabi ng mga opisyal ng ministeryo na malaking bahagi ng naturang pondo ang naibalik na sa kaban ng Bangsamoro Government.

Ayon sa ministeryo, nasa P1.5 bilyon na lamang ang hindi pa naire-revert mula sa mahigit P4.9 bilyong pondong unang natukoy, habang ang natitirang halaga ay naibalik na sa pamahalaan ngayong taon.

“Nang tanungin natin sila, may P1.5 bilyon pang hindi naire-revert at nananatili pa sa account na iyon,” ayon kay Sinarimbo.

Inaasahang ipagpapatuloy ng mga komite ng Bangsamoro Parliament ang kanilang imbestigasyon upang matukoy ang pananagutan sa mga umano’y iregularidad sa pananalapi at matiyak na maayos na napangangasiwaan at napangangalagaan ang pondo ng pamahalaan at mga benepisyo ng mga empleyado. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here