Home NATIONWIDE 6 patay sa strike ng Israel sa Gaza; journalist, 2 bata damay

6 patay sa strike ng Israel sa Gaza; journalist, 2 bata damay

65
0

GAZA – Anim katao, kabilang ang isang mamamahayag at dalawang bata, ang nasawi sa magkakahiwalay na airstrike ng Israel sa Gaza nitong Sabado, ayon sa mga opisyal ng Palestine.

Unang tinamaan ng pag-atake ang isang apartment sa Gaza City alas-2:00 ng madaling araw.

Nasawi sa insidente ang magkapatid na sina Zina, 4-anyos, at Lana, 14-anyos, na agad na dinala sa Shifa Hospital.

Ayon kay Mohammad Safadi, pinsan ng mga biktima, wala umanong anumang babala bago bumagsak ang missile.

Nasugatan din si Safadi at ang kanyang asawa sa naturang pag-atake.

Samantala, tatlo pang katao ang nasawi sa isa pang airstrike sa Bureij refugee camp sa gitnang bahagi ng Gaza.

Kabilang sa mga namatay si Ahmed Wishah, cameraman ng international broadcaster na Al Jazeera.

Kinumpirma ng Al Jazeera ang pagkamatay ng kanilang cameraman.

Ayon sa ulat, ang kapatid ni Ahmed na si Mohamed Wishah, isa ring correspondent ng Al Jazeera, ay napatay rin sa isang Israeli strike noong Abril.

Isa pang tao ang nasawi habang walong iba pa ang nasugatan matapos targetin ng airstrike ang grupo ng mga sibilyan sa tent camp ng Muwasi sa timog Gaza.

May apat pang sugatan sa hiwalay na pag-atake sa Gaza City.

Sa pahayag ng Israeli military, sinabi nitong isinagawa ang isang “precise strike” laban kay Wishah at iginiit na konektado umano ito sa military wing ng Hamas at nagdudulot ng banta sa kanilang mga sundalo.

Patuloy namang itinatanggi ng Hamas at iba pang Palestinian groups ang ilang paratang ng Israel laban sa mga sibilyan at media workers.

Sa kabila ng umiiral na ceasefire mula Oktubre, halos araw-araw pa ring nagkakaroon ng pag-atake sa Gaza.

Ayon sa Gaza Health Ministry, mahigit 73,000 Palestino na ang nasawi mula nang sumiklab ang digmaan noong Oktubre 2023 matapos ang pag-atake ng Hamas sa southern Israel na ikinasawi ng 1,200 katao at pagkabihag ng 251 iba pa.

Patuloy pa rin ang tensyon sa rehiyon habang wala pang malinaw na pangmatagalang kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng dalawang panig. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here