MANILA, Philippines – “Hindi kami uurong” – Bayombong Bishop Mangalinao buo ang loob sa laban kontra pagmimina kahit may kasong kinakaharap*
Matibay ang paninindigan ni Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao na hindi siya matitinag sa pagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan, kahit pa siya mismo ay kinasuhan kaugnay ng kampanya laban sa pagmimina sa Kasibu, Nueva Vizcaya.
Sinabi ng obispo na para sa kanya, patunay lang ang kaso na may bigat at epekto ang kanilang adbokasiya para sa kalikasan at sa mga komunidad na nangangambang maapektuhan.
Nag-ugat ang kaso kaugnay ng mariing pagtutol ng mga residente at environmental groups, sa pangunguna ni Bishop Mangalinao, sa exploration activity ng North Luzon Mineral Resources Corp. o NLMRC sa 4,456 ektaryang lupaing sakop ng Pao, Kakidugen, Pacquet, Dine at Catarawan.
Hindi raw panghihinaan ng loob ang obispo. Sa halip, mas tumibay pa raw ang determinasyon niya at ng mga pari ng diyosesis na ipaglaban ang inang kalikasan at ang mga residenteng direktang tinatamaan ng exploration.
Binigyang-diin din ni Bishop Mangalinao na hindi sila nag-iisa — patuloy silang nakatatanggap ng suporta mula sa iba’t ibang sektor na kaisa nila sa panawagang protektahan ang likas na yaman. Nagpasalamat din siya sa mga nag-aalay ng panalangin para sa kanya at sa iba pang kasamang nahaharap sa kaso. “We will hold the line until we win this battle,” giit niya.
Kasama rin sa kinasuhan sina Fr. Christian Dumangeng, dating Social Action Director ng diyosesis at kasalukuyang station manager ng Radio Veritas Bayombong; Florentino “Tinong” Daynos, lider ng grupong kontra pagmimina; at anim pang indibidwal dahil sa barikada sa loob ng Bugkalot/Ilongot ancestral domain.
Hindi pinagbigyan ng korte ang kahilingan para sa Temporary Restraining Order o TRO.
Nakatakda naman ang pagdinig sa writ of preliminary injunction sa Hunyo 23. Jocelyn Tabangcura-Domenden