MANILA, Philippines – Pormal nang sumali sa private prosecution team ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang kilalang litigation lawyer na si Atty. Benjamin S. Tolosa Jr., na magsisilbi ring legal spokesperson ng prosecution panel.
Inanunsyo ni House Committee on Justice Chairperson at lead prosecutor Batangas Rep. Gerville Luistro ang pagpasok ni Tolosa sa prosecution team sa ginanap na press conference sa Senado, kasabay ng pagpapatuloy ng pre-trial conference.
Ayon kay Luistro, si Tolosa ang magsisilbing tagapagsalita ng prosecution team kaugnay ng mga kaganapan sa impeachment proceedings.
Nagpasalamat naman si Tolosa sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya ng House prosecution panel.
“As we all know, the impeachment is a pivotal constitutional proceeding. In fact, it’s one of the most important accountability mechanisms for public officials under the Constitution,” ani Tolosa.
Sinabi ni Tolosa na bilang bahagi ng prosecution team, magiging available siya upang magbigay ng agarang impormasyon at sagutin ang mga tanong ng media hinggil sa mga kaganapan sa paglilitis.
Bagamat magsisilbi siyang legal spokesperson, nilinaw ni Tolosa na mananatiling pangunahing tagapagsalita ng prosecution panel sina Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong at Kabataan Party-list Rep. Renee Co.
Nauna nang inanunsyo ng prosecution panel ang pagtalaga sa 10 private prosecutors na tutulong sa House prosecutors sa paglilitis laban kay Duterte.
Si Tolosa ay founding at managing partner ng Tolosa Lim & Chua Law Firm at may mahigit 17 taong karanasan sa litigation at dispute resolution. Humawak na rin siya ng mga komplikadong kaso sa trial courts, appellate courts, administrative agencies at quasi-judicial bodies.
Nagtapos siya ng Bachelor of Laws sa University of Santo Tomas at naging abogado noong 2009. Gail Mendoza