Home METRO Kinumpuning Metro Cebu Expressway segment, ininspeksyon ni PBBM

Kinumpuning Metro Cebu Expressway segment, ininspeksyon ni PBBM

1
0

CEBU, Philippines – Ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.,. araw ng Lunes ang rehabilitadong bahagi ng Segment 3A ng Metro Cebu Expressway (MCE).

Nagpahayag ng kumpiyansa na ang road section na napinsala ng landslide ilang taon na ang nakalilipas ay magagamit na ngayon ng mga motorista at makatutulong na mapalakas ang economic activity sa southern Cebu.

Kasama sina Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, Cebu Gov. Pamela Baricuatro at Trade Secretary Cristina Roque, binisita ni Pangulong Marcos ang project site sa Barangay Cantao-an, Naga City, kung saan ang isang bahagi ng slope o dalisdis ay gumuho noong October 2023, dahilan ng pagkaantala ng konstruksyon at pagtaas ng mga alalahanin sa kaligtasan.

Inalala ng Pangulo na ang mga manggagawa at residente ay puwersahang pinaglakad sa lugar dahil ang lansangan ay hindi madaanan kasunod ng landslide.

“Pinangako natin na matatapos ito by June. Ito na ngayon tayo para tingnan at inspeksyunin,” ang winika ng Pangulo.

Aniya pa, maaari ng gamitin ang road section bagaman nananatiling kailangan ang karagdagang trabaho upang matiyak ang long-term safety at katatagan.

“We’re about to finish. Puwede na magamit. It looks usable pero hindi pa tapos. Lalagyan pa ng slope protection ito para hindi na gumuho ulit,” aniya pa rin.

Kabilang sa rehabilitasyon ang slope stabilization at protection works, drainage improvements, at creek rehabilitation upang matiyak na ang imprastraktura ay makakayan at malalabanan ang landslides at iba pang climate-related hazards.

Sa oras na matapos na, ang travel time sa pagitan ng Barangay Pangdan at Naga Valley Industrial Park ay inaasahan na mababawasan at magiging 10 minuto na lamang mula sa kasalukuyang 25 minuto, mapahuhusay at mas magiging mabilis ang galaw ng mga manggagawa, estudyante at mga negosyo sa lugar.

Binigyang diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng proyekto sa mga industriya na nago-operate sa southern Cebu, partikular na sa mga manufacturers na nakadepende sa episyenteng transport networks.

“Nakakahiya sa ating mga investor at hindi natin sila inaalagaang mabuti kaya inayos natin kaagad,” ang winika ng Pangulo.

Sinabi pa ng Pangulo na ang mahinang kondisyon ng lansangan ay dati nang nakaapekto sa mga kompanya na naghahatid ng high-value products sa pamamagitan ng corridor.

Ang Segment 3A ay isang 4.55-km portion ng 56.94-km Metro Cebu Expressway, isang major road network na magkokonekta sa Naga City sa katimugang bahagi ng Cebu hanggang Danao City sa hilaga.

Ayon kay Pangulong Marcos, may isa pang bahagi ng expressway na ginagamit ng mga investors at industrial locators ang nasa ilalim din ng konstruksyon at inaasahan na makokompleto ngayong taon.

Idinagdag pa niya na ang proyekto ay pinalawak na, mula sa orihinal na two-lane design ay ginawa na itong four lanes para ma- accommodate ang tumitinding traffic demand at suportahan ang lumalagong ekonomiya ng Cebu.

Samantala, inaasahan naman ng gobyerno na sa pamamagitan ng proyekto ay magiging mas mabilis na ang galaw ng mga kalakal at serbisyo, mapahuhusay na ang access ng mga manggagawa at estudyante at makalilikha ng mas maraming economic opportunities sa iba’t ibang lugar sa katimugang bahagi ng Cebu. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here