MANILA, Philippines – Kinondena ng Department of Education (DepEd) ang pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City noong Lunes at itinuturing itong isang “high-alert situation” habang nagpapatuloy ang pagtiyak sa seguridad ng paaralan at pagbibigay ng tulong sa mga naapektuhan.
Ayon sa mga awtoridad, tatlong katao ang nasawi at lima ang nasugatan sa insidente. Naaresto na rin ang dalawang suspek na kapwa menor de edad, edad 15 at 14.
Sinabi ng DepEd na nakikipagtulungan ito sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang magbigay ng agarang tulong medikal at psychosocial interventions sa mga apektadong estudyante at kawani. Nasa lugar din ang mga opisyal mula sa Central Office, regional at division offices upang makipag-ugnayan sa pamunuan ng paaralan at mga awtoridad.
“We strongly condemn this act of violence and extend our deepest condolences to the families of the victims, as well as our earnest prayers for the swift recovery of those who were injured,” pahayag ng DepEd.
Nanawagan din ang DepEd sa publiko na igalang ang pribasiya at dignidad ng mga batang sangkot habang isinasagawa ang masusing imbestigasyon.
Tiniyak ng ahensya na prayoridad nito ang kaligtasan, kapakanan, at kalusugang pangkaisipan ng mga mag-aaral at kawani. Nakipag-ugnayan na rin ang DepEd Region VIII sa Philippine National Police, Schools Division Office ng Tacloban City, Department of Social Welfare and Development, at iba pang ahensya upang magbigay ng seguridad at kinakailangang suporta sa mga apektado.
Hinimok ng DepEd ang publiko na ipagdasal ang kaligtasan, paggaling, at pagbangon ng lahat ng naapektuhan ng insidente. RNT/MND