Home HOME BANNER STORY Masusing imbestigasyon kaugnay ng pamamaril sa loob ng eskuwelahan sa Tacloban City,...

Masusing imbestigasyon kaugnay ng pamamaril sa loob ng eskuwelahan sa Tacloban City, ipinag-utos ng Malakanyang

3
0

MANILA, Philippines – Ipinag-utos ng Malakanyang ang masusing imbestigasyon kaugnay sa pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Barangay San Jose, Tacloban City, Lunes ng umaga, Hulyo 22 kung saan tatlong katao ang nasawi at lima ang nasugatan.

“Kinakalungkot ng Pangulo (Ferdinand Marcos Jr.) ang pangyayari. Kahit sino pa man lalo na ang mga magulang ng mga nabiktima ay makakaramdam ng lungkot at takot,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa Viber message.

“Iniuutos ang malalimang pag iimbestiga rito at pinapasiguro ang proteksyon at kaligtasan sa lahat ng lugar, opisina, establisyimento lalong lalo na sa mga paaralan.” ang sinabi pa rin ni Castro.

Sa ulat, nangyari ang insidente bandang alas-9 ng umaga. Isa sa dalawang suspek, isang child in conflict with the law (CICL) na residente ng Barangay San Jose, ang agad na naaresto. Patuloy namang tinutugis ang isa pang suspek na nakatakas.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Tacloban City Police Office, walong katao ang tinamaan ng bala. Tatlo sa mga ito ang nasawi habang lima ang isinugod sa ospital para sa agarang gamutan.

Hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga biktima habang hinihintay ang abiso sa kanilang mga pamilya.

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang motibo ng pamamaril at kung ano ang naging ugnayan ng mga suspek at mga biktima.

Nagsagawa na rin ng manhunt operation para mahuli ang ikalawang suspek.

Samantala, mananatili sa kustodiya ng pulisya ang naarestong CICL at sasailalim sa mga legal na proseso alinsunod sa mga batas para sa mga menor de edad.

Patuloy ang masusing imbestigasyon sa isa sa pinakamalalang insidente ng pamamaril na may kaugnayan sa paaralan na naitala sa Tacloban City sa mga nakaraang taon. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here