MANILA, Philippines – Nananatiling malakas ang Super Typhoon Francisco (international name: Mekkhala) nitong Martes habang nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa ilang bahagi ng Hilagang Luzon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ala-4 ng umaga nang mamataan ang bagyo sa layong 410 kilometro silangan ng Aparri, Cagayan. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 185 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 230 kph.
Nananatiling nasa ilalim ng Signal No. 1 ang Batanes at hilagang-silangang bahagi ng Cagayan kabilang ang Gonzaga, Santa Ana, at silangang bahagi ng Babuyan Islands.
Bagama’t inaasahang mananatiling malayo sa kalupaan ng Pilipinas ang bagyo, sinabi ng PAGASA na magdudulot pa rin ang paligid nito at ang habagat ng malalakas hanggang gale-force na bugso ng hangin sa malaking bahagi ng Luzon, Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Surigao del Norte, Dinagat Islands, Davao Occidental, at Davao Oriental.
Patuloy ring makararanas ng malalakas na pag-ulan ang Batanes at Cagayan. Inaasahan naman ang maalon hanggang sa napakaalong karagatan sa mga baybayin ng Batanes, Cagayan, silangang bahagi ng Babuyan Islands, Isabela, at hilagang Aurora. Pinayuhan ang mga sakay ng maliliit na sasakyang pandagat, kabilang ang mga motor banca, na huwag nang pumalaot.
Ayon sa PAGASA, posibleng maabot ng Francisco ang pinakamalakas nitong bugso sa loob ng araw bago magsimulang humina. Inaasahang kikilos ito pahilagang-kanluran hanggang Miyerkules ng umaga bago lumiko patungo sa Ryukyu Islands sa timog Japan.
Posible itong lumabas ng Philippine Area of Responsibility sa Biyernes ng umaga. RNT