Home HOME BANNER STORY 7,000 food packs pinosisyon na sa Batanes vs Super Typhoon Francisco

7,000 food packs pinosisyon na sa Batanes vs Super Typhoon Francisco

3
0

MANILA, Philippines – Nagpadala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng karagdagang relief supplies sa Batanes habang patuloy na lumalakas ang Super Typhoon Francisco (Mekkhala) sa Philippine Sea at nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Batanes at ilang bahagi ng hilagang-silangang Cagayan.

Sa pakikipagtulungan sa United Nations-World Food Programme (UN-WFP), nagpadala ang DSWD ng apat na container van na may dalang 7,000 family food packs (FFPs), at isa pang van na may 1,020 kitchen kits at 100 modular tents patungong Basco, Batanes.

Inaasahang darating ang mga suplay sa Hunyo 24 hanggang 25 at magpapataas sa kabuuang relief stockpile ng lalawigan sa 24,034 family food packs mula sa kasalukuyang 17,034 nakaimbak na food packs.

Ayon kay DSWD Disaster Response Management Group Assistant Secretary Irene Dumlao, ipinatutupad ng ahensiya ang Buong Bansa Handa Program upang matiyak ang tuloy-tuloy na paghahatid ng ayuda sa panahon ng kalamidad.

“Hindi tayo maghihintay ng ilang araw bago tayo makatugon sa pangangailangan ng mga kababayan natin naapektuhan. Sa katunayan para dito sa bagyong nakakaapekto sa ating bansa, habang patuloy tayo nag-provide ng assistance sa Mindanao, we’re ready to provide the same assistance dito naman sa bandang Luzon na maaaring masalanta nitong bagyo,” ani Dumlao.

Samantala, sinabi ng DSWD na mahigit P378.3 milyong halaga ng humanitarian assistance na ang naipamahagi nito para sa mga komunidad na naapektuhan ng malakas na lindol sa Southern Mindanao.

Batay sa pinakahuling datos, umabot na sa 380,379 pamilya o mahigit 1.62 milyong indibidwal sa 635 barangay sa Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Soccsksargen, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang naapektuhan ng lindol.

Kabilang sa naipamahaging tulong ang family food packs, ready-to-eat food boxes, non-food items, cash assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), mobile kitchens, at mga tent para sa pansamantalang matutuluyan.

Mayroon ding nakahandang 4.7 milyong family food packs ang DSWD sa buong bansa, bukod sa mahigit P4.3 bilyong halaga ng food at non-food items at P94.378 milyong Quick Response Fund. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here