Home NATIONWIDE Halos lahat ng lugar na sapul ng M’danao quake, balik-kuryente na —...

Halos lahat ng lugar na sapul ng M’danao quake, balik-kuryente na — DOE

3
0

MANILA, Philippines – Halos naibalik na ang serbisyo ng kuryente sa mga lugar na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Southern Mindanao, ayon sa Department of Energy (DOE).

Sinabi ng DOE na ang mabilis na pagpapanumbalik ng kuryente sa General Santos City at mga lugar na sakop ng South Cotabato II Electric Cooperative (SOCOTECO II) ay resulta ng magkakatuwang na pagkilos ng DOE, National Electrification Administration (NEA), National Power Corporation (NPC), Task Force Kapatid, mga electric cooperative, lokal na pamahalaan, at pribadong sektor.

Ayon sa DOE, naibalik ng Task Force Kapatid, na binubuo ng 184 personnel mula sa 26 electric cooperative, ang serbisyo ng kuryente sa tinatayang 95 porsiyento ng mga apektadong konsyumer sa General Santos City sa loob lamang ng 72 oras.

Sa Sarangani, nagawa ring maisaayos ng mga restoration team ang mga nasirang pasilidad at mailipat ang isang nasirang 69-kilovolt transmission line sa loob ng wala pang 48 oras sa kabila ng mga landslide at sirang mga kalsada.

Sinabi ni NEA Administrator Antonio Almeda na umabot na sa 99 porsiyento ang power restoration sa buong franchise area ng SOCOTECO II noong Hunyo 18, dahilan upang makabalik sa normal na operasyon ang mga tahanan, negosyo, paaralan, ospital, at iba pang mahahalagang pasilidad.

Ayon sa DOE, halos lahat ng apektadong lugar ay nabigyan muli ng suplay ng kuryente sa loob lamang ng wala pang 10 araw, kahit na maaaring umabot ng ilang buwan ang ganitong operasyon dahil sa lawak ng pinsala.

Sinabi naman ni National Power Corporation President and Chief Executive Officer Jericho Jonas Nograles na muling umandar ang Kalamansig Diesel Power Plant 80 minuto lamang matapos ang lindol, habang halos naibalik na rin ang serbisyo ng kuryente sa Sarangani Island pagsapit ng Hunyo 21.

Pinuri ni Energy Secretary Sharon Garin ang pagtutulungan ng mga electric cooperative sa Mindanao sa mabilis na pagpapanumbalik ng suplay ng kuryente.

“The swift restoration of electricity in General Santos and Sarangani reflects the strength of our energy family. Electric cooperatives from across Mindanao came together to share resources, expertise, and manpower to help affected communities recover faster. Their dedication and spirit of cooperation allowed us to restore power in days despite the significant challenges brought about by the earthquake,” ani Garin.

Binanggit din ng DOE ang mga pangmatagalang hakbang upang mapatatag ang energy infrastructure ng bansa, kabilang ang pilot underground cabling project ng NEA sa Naga City. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here