Home NATIONWIDE Regulasyon para sa child vloggers, isinusulong ng CWC

Regulasyon para sa child vloggers, isinusulong ng CWC

3
0

MANILA, Philippines – Nakikipagtulungan ang Council for the Welfare of Children (CWC) sa Department of Labor and Employment (DOLE) upang makabuo ng mga regulasyon para sa mga child vloggers at social media content creators bilang proteksiyon laban sa posibleng pagsasamantala at labor abuse.

Ayon kay CWC Executive Director Undersecretary Angelo Tapales, nananatiling legal na “gray area” ang vlogging at online content creation kumpara sa mga child performers at modelo na saklaw ng Working Child Permit ng DOLE.

“As of today, wala pa akong alam na regulation ng DOLE na sinasaklawan naman iyong vlogging at saka iyong pag-create ng content sa social media or sa internet,” ani Tapales sa isang panayam.

“Iyan po ay siguro isa sa mga gray areas pa ngayon na currently pinag-aaralan po ito ng DOLE and siguro we will work with DOLE para magkaroon ng regulation dito,” dagdag niya.

Sinabi ni Tapales na nagiging usapin ang vlogging kapag naaapektuhan na ang pag-aaral, paglalaro, at normal na pag-unlad ng mga batang sangkot sa paggawa ng online content.

“Maaaring may abuso, DOLE should step in and regulate it. Siguro, ito ay isa sa mga idudulog namin kay Secretary Francis Tolentino and perhaps DOLE can issue a regulation at the soonest possible time po,” aniya.

Nagpahayag din ng pagkabahala ang CWC sa tumataas na kaso ng online at offline bullying laban sa mga bata at hinimok ang mga magulang, content creators, at media practitioners na unahin ang kapakanan, dignidad, at pinakamahusay na interes ng mga menor de edad sa anumang media exposure.

Hinikayat din ng konseho ang publiko na sundin ang Guide for Media Practitioners on Reporting and Coverage of Children upang mapangalagaan ang privacy, partisipasyon, at proteksiyon ng mga bata laban sa pagsasamantala, pang-aabuso, at harassment. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here