MANILA, Philippines – Pansamantalang sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang ilang driver at may-ari ng sasakyan na nasangkot sa mga viral video ng counterflow driving, road rage, at illegal racing sa mga pampublikong kalsada.
Naglabas si LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao ng show cause orders (SCOs) laban sa mga rehistradong may-ari at driver ng isang Toyota Fortuner at Toyota Innova na nakuhanan ng video habang nagka-counterflow sa Cavite.
Makikita sa video na gumagamit ng hindi awtorisadong blinking signal lights ang Toyota Fortuner habang nasa kabilang linya ng kalsada, kasunod ang Toyota Innova. Lumabas sa paunang imbestigasyon na pag-aari ng isang local government unit ang Innova.
Kabilang sa mga posibleng paglabag na kinakaharap ng mga sangkot ang paggamit ng hindi awtorisadong accessories sa sasakyan, pagmamaneho laban sa daloy ng trapiko, at improper person to operate a motor vehicle.
Naglabas din ng SCO ang LTO laban sa driver ng isang Nissan Navara pickup truck na nag-viral dahil sa mapanganib na pagmamaneho. Nakuhanan umano ito ng video habang nagsi-swerve, biglang nagpepreno, humihinto sa gitna ng kalsada, at gumagawa ng bastos na kilos sa kapwa motorista.
Nahaharap ang may-ari at driver ng pickup truck sa mga reklamong reckless driving, obstruction of traffic, at improper person to operate a motor vehicle.
“Hindi natin kukunsintihin ang anumang uri ng iresponsableng pagmamaneho na naglalagay sa panganib sa buhay at kaligtasan ng publiko. Ang kalsada ay hindi lugar para sa init ng ulo, agresibong pagmamaneho, at mga kilos na maaaring magdulot ng aksidente,” ani Lacanilao.
Samantala, ipinatawag din ng LTO ang may-ari at driver ng isa pang Toyota Fortuner na nasangkot umano sa illegal racing sa pampublikong kalsada. Nahaharap sila sa mga kasong reckless driving at improper person to operate a motor vehicle.
Pansamantalang sinuspinde ang lahat ng sangkot habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Inilagay rin sa alarm status ang kanilang mga sasakyan upang maiwasan ang anumang transaksyon sa LTO habang dinidinig ang mga kaso. Santi Celario