MANILA, Philippines – Matinding kinalampag ni Senate President Sherwin “Win” Gatchalian ang lahat ng magulang at local government units (LGUs) na kumilos laban sa karahasan sa pamamagitan ng implementasyon ng Parent Effectiveness Service Program (PES).
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian, tulad nang nangyaring pamamaril sa San Jose National Highschool sa Tacloban City, maiiwasan ang karahasan kung epektibong ipinatutupad ang PES.
Itinatag ang PES Program sa ilalim ng Parent Effectiveness Service Program Act (Republic Act No. 11908) na iniakda ni Gatchalian.
Sa ilalim ng batas, palalakasin ng PES Program ang kaalaman at kakayahan ng mga magulang at parent-substitutes sa pagtugon sa kanilang responsibilidad, kabilang ang pangangalaga at pagtataguyod ng karapatan ng bata, at iba pa.
Sa insidente ng pamamaril kamakailan sa isang paaralan sa Tacloban na kinasasangkutan ng mga menor de edad, umakyat na sa apat ang bilang ng nasawi, habang may ilan pang nasugatan.
“Paano sila nakakuha ng access sa firearms, at bakit marunong na silang gumamit nito sa murang edad?” tanong ni Gatchalian.
Inaatasan ng batas ang pagpapatupad ng PES Program sa lahat ng lungsod at munisipalidad, habang inaatasan naman ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bumuo ng modules, kabilang iyong mga may kinalaman sa child protection ng kabataan sa pang-aabuso at pagtuturo ng kabutihang-asal.
“Kung seryoso tayong wakasan ang karahasan sa ating mga paaralan, kailangang magsimula ang solusyon sa loob ng ating mga tahanan,” pagtatapos ni Gatchalian. Ernie Reyes