MANILA, Philippines – Isang panukalang maglalagay ng mas mahigpit na mga patakaran sa party-list system upang pigilan ang pagpasok ng political dynasties, government contractors at iba pang may posibleng conflict of interest ang inihain sa Kamara ni House Speaker Faustino Dy.
Sa ilalim ng House Bill No. 9906 o New Party-List System Act, ipagbabawal ang pagnominate at pagsisilbi bilang party-list representative ng mga indibidwal na may relasyon hanggang second degree of consanguinity o affinity sa isang kasalukuyang senador o kongresista.
Saklaw din ng diskwalipikasyon ang mga incumbent elective officials, gayundin ang mga taong nabigyan ng government contracts, concessions, franchises o public-private partnership agreements sa loob ng limang taon bago ang halalan.
Hindi rin papayagang maging nominee ang mga opisyal at controlling shareholders ng mga kumpanyang may kontrata sa gobyerno.
“Ang party-list system ay nilikha upang palawakin ang representasyon, hindi upang palawakin ang kapangyarihan ng iilang pamilya,” ani Dy.
“Kung tunay tayong naninindigan para sa isang mas bukas, mas patas, at mas inklusibong demokrasya, dapat nating tiyakin na ang party-list system ay nananatiling tapat sa orihinal nitong layunin na bigyan ng boses at pagkakataong makilahok sa paggawa ng batas ang mga sektor at komunidad na kulang sa representasyon,” dagdag pa nito,
Ang naturang panukala ay bahagi ng priority measures ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) at isa sa pangunahing electoral reform measures ng Marcos administration.
Bukod dito, kinakailangang sumailalim sa isang election-cycle cooling-off period ang mga dating halal na opisyal at kandidato bago sila maaaring maging party-list nominees.
Inaatasan din ng panukala ang mga party-list organizations na patunayang wala silang direktang o hindi direktang kaugnayan sa political dynasties at sa mga indibidwal na may benepisyo mula sa mga kontrata ng gobyerno.
Ayon sa explanatory note ng panukala, may mga pangamba na ginagamit ng ilang tradisyunal na pulitiko at political dynasties ang party-list system bilang alternatibong daan upang makapasok sa pulitika.
Ang panukalang New Party-List System Act ay magsisilbing karagdagan sa Anti-Political Dynasty Act na naaprubahan na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa. Gail Mendoza