MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Sandiganbayan ang nauna nitong desisyon na tanggihan ang mosyon ng ilang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-Mimaropa na maibasura ang kasong kinakaharap nila kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control project sa Naujan.
Kabilang sa mga akusado at co-accused ng dating kongresista na si Zaldy Co sina Gerald Pacanan, Dominic Serrano, Juliet Calvo, Dennis Abagon, Montrexis Tamayo, Lerma Cayco, at Felisardo Casuno.
Iginiit ng depensa na kulang ang ebidensiya ng prosekusyon upang patunayan ang kanilang partisipasyon o sabwatan sa kaso. Ayon sa kanila, ang kanilang mga lagda sa mga dokumento ng inspeksiyon at billing ng proyekto ay bahagi lamang ng kanilang tungkuling administratibo.
Ngunit sinabi ng korte na hindi kinakailangang maglabas ng detalyadong pagsusuri ng lahat ng ebidensiya sa pagresolba ng mga pansamantalang mosyon gaya ng demurrer to evidence.
Ipinaalala rin ng korte na maaari pa ring magsumite ng demurrer to evidence ang mga akusado kahit walang pahintulot ng hukuman, ngunit kapag ginawa nila ito at mabigo, mawawala ang kanilang karapatang magharap pa ng sariling ebidensiya at depensa.
Ang Sixth Division ng Sandiganbayan, na pinamumunuan ni Associate Justice Sarah Fernandez, ay inilipat ang susunod na pagdinig mula Hunyo 24 patungong Hunyo 30 upang mabigyan ng dagdag na panahon ang depensa na pag-aralan ang kanilang mga susunod na legal na hakbang.
Ang kaso ay may kaugnayan sa umano’y maanomalyang flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro. RNT/MND