AURORA, Philippines – Nagpadala ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng mga imbestigador sa isang beach resort sa Dipaculao upang magsagawa ng crime scene reconstruction kaugnay ng pagkalunod ng mga Ateneo basketball players na sina Rene Baterbonia at Divine Adili noong Hunyo 8.
Ayon kay Maj. Gen. Robert Alexander Morico II, director of the police’s Criminal Investigation and Detection Group, layunin ng hakbang na ito na makabuo ng malinaw na larawan ng mga pangyayaring humantong sa insidente at matukoy kung may mga taong maaaring managot.
Kasama sa imbestigasyon ang pagsusuri sa kondisyon ng dagat, pagsukat ng taas ng tubig, at pagtukoy sa eksaktong lokasyon ng mga biktima bago sila nalunod. Gagamit din ang mga imbestigador ng CCTV footage at mga testimonya mula sa mga manlalaro, coach, at iba pang saksi upang matukoy kung saan huling nakita ang mga biktima.
Gumamit din ang CIDG ng SONAR upang masukat ang lalim at topograpiya sa ilalim ng dagat, pati ng 3D scanner upang makuha ang detalyadong datos ng dalampasigan at lugar ng insidente.
Sinuri rin ng mga awtoridad kung may sapat na warning signs at iba pang kinakailangang safety measures sa resort.
Nauna nang ipinatawag ng CIDG ang ilang kasalukuyan at dating manlalaro ng Ateneo de Manila University, gayundin ang coaching staff, kabilang ang dating head coach na si Tab Baldwin.
Patuloy ang imbestigasyon, at isa sa mga tinitingnang posibleng paglabag ay ang Anti-Hazing Act of 2018 kaugnay ng nangyaring team-building activity. RNT/MND