TACLOBAN, Philippines – Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na isa sa dalawang menor de edad na suspek sa pamamaril sa San Jose National High School ay naglalaro umano ng marahas na video game na GoreBox bago mangyari ang insidente.
Ayon kay Police Brig. Gen. Jason Capoy, director of the Police Regional Office 8, ang 14-anyos na suspek ay naglalaro ng GoreBox, isang shooting game na may mga baril at mararahas na eksena. Dagdag pa niya, minsan na ring nadala ang suspek sa isang firing range kaya marunong itong humawak ng baril, magtanggal ng magazine, at mag-reload, bagama’t hindi pa bihasa sa paggamit nito.
Patuloy ding iniimbestigahan ng pulisya kung may kaugnayan sa pambubully ang motibo ng dalawang suspek, na kapwa Grade 9 students na edad 14 at 15.
Ayon kay Capoy, may partikular umanong target ang mga suspek. Batay sa salaysay ng isang saksi, hinanap ng 15-anyos na suspek ang kanilang target sa dulo ng isang corridor ngunit hindi ito nakita. Dahil dito, bumalik sila at gumalaw sa kahabaan ng corridor na parang nasa tactical operation bago umano basta-bastang nagpaputok sa mga bintana.
Nagkahiwalay umano ng pasok sa paaralan ang dalawang suspek at nagsimula ang pamamaril bandang alas-9 ng umaga noong Lunes.
Sa pinakahuling tala, tatlong estudyante ang nasawi at marami pa ang nasugatan sa insidente. Nasa kustodiya na ng pulisya at ng Department of Social Welfare and Development ang dalawang suspek habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa motibo at iba pang detalye ng pag-atake. RNT/MND
Paalala: Wala pang ebidensiyang nagpapatunay na ang paglalaro ng GoreBox ang direktang sanhi ng pamamaril. Isa lamang ito sa mga impormasyong sinusuri ng mga imbestigador kaugnay ng kaso.






