ILOILO, Philippines – Nasamsam ng mga pulis ang tinatayang P4.76 milyong halaga ng hinihinalang shabu at naaresto ang isang high-value individual sa isinagawang anti-drug operation sa Barangay Calumpang, Molo District, Iloilo City noong Lunes ng hapon.
Kinilala ang suspek na si alyas “Parcon,” 42 taong gulang, walang trabaho at residente ng Barangay Calumpang. Nakumpiska mula sa kanya ang humigit-kumulang 700 gramo ng hinihinalang shabu na nakalagay sa 11 heat-sealed plastic sachet at dalawang plastik na lalagyan.
Ayon kay Capt. Ryan Christ Inot, hepe ng Iloilo City Police Station 4, si Parcon umano ang nagsisilbing taguan o warehouseman ng magkapatid na naaresto sa hiwalay na operasyon noong Hunyo 21 sa Barangay Buray, Oton, kung saan nakumpiska rin ang halos P14 milyong halaga ng hinihinalang shabu.
Sinabi ni Inot na nakipag-ugnayan sa kanila ang Regional Police Drug Enforcement Unit matapos maaresto ang isang suspek na kilala sa alyas na “Choco.”
Batay sa impormasyon ng Police Regional Office-Western Visayas (PRO-6), sangkot umano si Parcon sa pamamahagi ng ilegal na droga sa Iloilo City at mga kalapit na bayan sa lalawigan.
Ayon kay Randulf Tuaño, bawat kilo ng shabu na nasasamsam ay nangangahulugan ng mga buhay na naililigtas, mga krimeng napipigilan, at mas ligtas na mga komunidad. Iginiit din niya na magpapatuloy ang operasyon ng PRO-6 laban sa mga sangkot sa kalakalan ng ilegal na droga at sa mga sindikatong nagbabanta sa kaligtasan ng mamamayan. RNT/MND