BULACAN, Philippines – Nagsagawa ng dayalogo at coordination meeting ang mga tauhan ng pulisya sa iba’t-ibang paaralan para sa patuloy na pagpapatibay ng kanilang ugnayan sa lalawigang ito.
Sa ulat ni PCOL Jay Baybayan, Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office nitong Hunyo 23, ang nasabing aktibidad na ito ay isinagawa bilang pagtugon sa kamakakailang pamamaril ng dalawang estudyante sa kapwa mag-aaral sa Tacloban City.
Aniya, bahagi na rin ito ng mga hakbang upang higit pang mapalakas ang seguridad at kaligtasan ng mga mag-aaral sa loob at paligid ng mga paaralan.
Tinalakay ng mga pulis, guro at mga administrador ng mga paaralan sa pagpupulong ang usaping may kaugnayan sa school safety, crime prevention, anti-bullying measures at iba pang programang naglalayong mapanatili ang ligtas at maayos na kapaligiran sa pag-aaral.
Napag-usapan din ang kahalagahan ng agarang pag-uulat at koordinasyon sa mga awtoridad upang maiwasan ang anumang insidenteng maaaring magbanta sa seguridad ng mga mag-aaral, guro at kawani ng mga paaralan.
Kaugnay nito, mahigpit na ipinag-utos ni Police Regional Office 3, Director PBGEN. Jess Mendez sa lahat ng pulis sa Central Luzon na paka-ingatan ang kanilang issued firearms sa lahat ng oras upang hindi magamit ng iba sa masama.
“Dito sa Gitnang Luzon, nanatiling prayoridad ng inyong kapulisan ang kaligtasan ng bawat mag-aaral at kapanatagan ng bawat magulang. Patuloy naming pinaiigting ang mga hakbang upang matiyak na ligtas ang ating mga paaralan at komunidad, upang makapag-aral ang mga kabataan nang walang pangamba,” anang heneral. (Dick Mirasol III)