Home NATIONWIDE PBBM tiniyak na “walang Pilipinong maiiwan”; tulong sa mga Pinoy sa buong...

PBBM tiniyak na “walang Pilipinong maiiwan”; tulong sa mga Pinoy sa buong mundo, ipagpapatuloy

3
0

MANILA, Philippines – NAGBIGAY ng katiyakan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patuloy na tutulungan ang mga Pilipino saan man sila naroroon sa buong mundo at iginiit na nananatiling pangunahing prayoridad ng pamahalaan ang kapakanan ng bawat Pilipino.

“Para kay Pangulong Marcos Jr., palaging una ang kapakanan ng mga Pilipino, sa loob man ng bansa o sa ibayong dagat—kahit pa ano’ng kulay ka. Hangga’t may Pilipino, may Pangulong Marcos Jr. na aagapay sa inyo,” pahayag pa ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing sa Malakanyang.

Kasunod nito ang matagumpay na pagpapalaya at pagpapauwi ng 24 na Pilipinong nakulong sa Russia sa loob ng siyam na buwan.

Sinabi ni Castro na ang personal na pakikipag-ugnayan ni Pangulong Marcos kay Russian President Vladimir Putin ang naging daan upang mabilis na mapalaya at mapauwi ang 24 na Pilipino.

“Sa bilateral meeting, in-open lang ng Pangulo ang tungkol sa 24 Filipinos na naka-detained sa Russia. And at the time na ito ay nabanggit ng Pangulo…At agad-agad niyang (President Putin) sinabi na patitingnan kung anong estado ng mga kababayan natin doon,” ayon kay Castro.

“Pinauna niya (Pangulong Marcos) na nirespeto ng Pilipinas ang batas at polisiya ng Russia. Pero naging maganda po ang response ng Russia ni President Putin dahil napauwi agad ang ating mga kababayan,” dagdag ng opisyal.

Ito aniya ay patunay ng patuloy na pangako ng administrasyong Marcos na pangalagaan ang kapakanan ng mga Pilipino sa ibayong dagat sa pamamagitan ng aktibong diplomasya at konstruktibong pakikipag-ugnayan sa mga pinuno ng ibang bansa.

“Ang pagpapauwi sa dalawampu’t apat na Pilipino ay isa lamang sa mga matagumpay na pakikipag-ugnayan ni Pangulong Marcos Jr. sa ibang bansa. Ang pagmamahal ni Pangulong Marcos Jr. sa mga Pilipino ay hindi sa iisang pagkakataon lamang naipamalas,” dagdag ni Castro.

Hindi rin, aniya ito ang unang pagkakataon na naipakita ng Pangulo ang kanyang malasakit para sa kapakanan ng mga kababayang Pilipino.

Binanggit ng opisyal ang mga naging pagsisikap ng administrasyong Marcos upang maibalik sa bansa ang overseas Filipino worker (OFW) na si Mary Jane Veloso matapos ang 15-taong pagkakakulong sa Indonesia.

Tinukoy din ni Castro ang mga hakbang ng pamahalaan sa kaso ng 17 OFWs na naaresto sa Qatar matapos ang isang hindi awtorisadong rally noong Marso 2025.

Sa pamamagitan ng diplomasya at pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Qatar, natulungan ng administrasyon na maresolba ang kanilang sitwasyon. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here