MANILA, Philippines – Nanawagan si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ng seryosong pagtalakay sa posibilidad na ipagbawal o higpitan ang paggamit ng social media ng mga batang menor de edad kasunod ng madugong pamamaril sa Tacloban City.
Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ni Zubiri na ipinakita ng insidente ang lumalakas na impluwensya ng social media sa mga kabataan at ang posibleng epekto ng mararahas at mapanganib na online content.
“This tragedy should push us to confront a hard truth: matindi na ang influence ng social media sa mga bata (social media has heavy influence on children),” ani Zubiri.
Ayon sa senador, maaaring maimpluwensiyahan ng mararahas na content, online threats, mapanganib na trends at hateful behavior ang pag-iisip at pagkilos ng mga kabataan.
“That is why I support a serious discussion on banning or strictly limiting social media access for young children,” dagdag niya.
Tinukoy ni Zubiri ang nakabinbing Social Media Safety for Children Act na naglalayong pagbawalan ang mga batang wala pang 16 taong gulang na magkaroon, gumamit o magpanatili ng social media accounts.
Aniya, katulad ito ng mga hakbang na ginagawa sa Australia, United Kingdom, France, Malaysia at United Arab Emirates upang higpitan ang access ng mga menor de edad sa social media at palakasin ang online protections para sa mga bata.
Sinabi rin ng senador na dapat pag-aralan ang posibleng pag-amyenda sa Juvenile Justice and Welfare Act, kabilang ang posibilidad na litisin bilang adulto ang mga menor de edad na 14 taong gulang pataas na sangkot sa heinous crimes, habang isinasaalang-alang pa rin ang due process, discernment at rehabilitasyon.
Nanawagan din siya ng mas mahigpit na seguridad sa mga paaralan, kabilang ang maayos na inspeksyon ng mga bag ng mga estudyante, kawani, bisita at iba pang pumapasok sa school premises.
“My prayers are with the families of the victims as they seek comfort, justice and peace,” ani Zubiri. RNT