MANILA, Philippines – Mahigit 600 pulis at public safety personnel ang ipinakalat sa San Juan City upang tiyakin ang seguridad at kaayusan sa pagdiriwang ng Wattah! Wattah! Festival 2026 ngayong Hunyo 24.
Ayon sa Eastern Police District (EPD), 477 personnel nito at 172 tauhan mula sa iba pang law enforcement at public safety agencies ang magbabantay sa taunang kapistahan bilang paggunita sa kapanganakan ni San Juan Bautista, patron saint ng lungsod.
Pinaigting na rin ang paghahanda sa seguridad sa ilalim ng pamumuno ni Brig. Gen. Melecio M. Buslig Jr., acting district director ng EPD, habang inatasan ang San Juan City Police Station na tiyakin ang kapayapaan at kaayusan sa buong selebrasyon.
Magtatalaga rin ng mga Basaan Zone sa kahabaan ng Pinaglabanan Street at sa open parking area ng Pinaglabanan Shrine upang ligtas na makalahok ang mga dumadalo sa tradisyunal na basaan.
Pinayuhan ng EPD ang mga motorista at publiko na asahan ang mga traffic adjustment sa mga lugar na maaapektuhan ng mga aktibidad at sundin ang mga tagubilin ng mga awtoridad.
“The Eastern Police District remains fully committed to ensuring a peaceful, orderly, and secure Wattah Wattah Festival 2026. We encourage the public to cooperate with law enforcement personnel, observe safety measures, and celebrate responsibly as we honor the rich tradition and religious significance of this annual event,” ani Buslig. Dave Baluyot