MANILA, Philippines – Arestado ang isang 33-anyos na lalaki matapos umano nitong pagsasaksakin hanggang sa mapatay ang tatlong miyembro ng kanyang pamilya sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Aya, Talisay, Batangas nitong Biyernes ng gabi, Hunyo 19.
Kabilang sa mga nasawi ang isang 59-anyos na babae, kanyang 35-anyos na anak na babae, at 2-anyos na apo. Sugatan naman ang isang 6-anyos na bata at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.
Ayon sa Talisay Municipal Police Station sa pamumuno ni Police Major Cid Villanueva, ang suspek ay umano’y manugang ng nakatatandang biktima.
Batay sa imbestigasyon, sapilitang pumasok ang suspek sa bahay ng mga biktima at pinagsasaksak ang mga ito dakong alas-10 ng gabi.
Nakaligtas naman ang dalawang anak ng 35-anyos na biktima, isang 13-anyos na lalaki at 15-anyos na babae, matapos tumalon sa bintana upang humingi ng tulong sa kanilang mga kamag-anak.
Naaresto ang suspek sa follow-up operation dakong alas-12:30 ng madaling araw ng Hunyo 20 sa kanyang bahay sa Barangay San Roque, Santo Tomas, Batangas.
Positibong kinilala ng 15-anyos na dalagita ang suspek. Narekober din ng mga awtoridad ang patalim na ginamit sa krimen at ang damit na umano’y suot nito nang maganap ang insidente.
Iniimbestigahan ng pulisya kung may kaugnayan ang krimen sa kasong rape na isinampa umano ng 15-anyos na dalagita laban sa suspek.
Nakakulong na ang suspek sa Talisay Municipal Police Station at nahaharap sa kaukulang mga kaso. Mary Anne Sapico