MANILA, Philippines – Pormal nang idineklara ang buong Cordillera Administrative Region (CAR) bilang insurgency-free at nasa ilalim ng Stable Internal Peace and Security (SIPS) status matapos aprubahan ng Regional Peace and Order Council (RPOC) ang kaukulang resolusyon sa pulong nito sa Baguio City.
Pinangunahan ni RPOC Chairperson at Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang pagpupulong kung saan inaprubahan ang Resolution No. 3, Series of 2026 na nagdedeklara sa rehiyon bilang malaya na sa banta ng insurhensiya.
Saklaw ng deklarasyon ang mga lalawigan ng Abra, Apayao, Benguet, Ifugao, Kalinga, at Mountain Province, gayundin ang mga lungsod ng Baguio at Tabuk.
Ayon sa resolusyon, nakamit ang deklarasyon matapos ang ilang taong magkatuwang na operasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), mga lokal na pamahalaan, at mga komunidad upang sugpuin ang mga grupong rebelde at palakasin ang mga programang pangkapayapaan.
Ang SIPS status ay ibinibigay sa isang lugar kapag wala nang kakayahan ang mga armadong grupo na magsagawa ng tuluy-tuloy na armadong operasyon.
Inaasahang lalagdaan nina Police Regional Office-Cordillera Director Police Brig. Gen. Ericson Dilag, 5th Infantry Division commander Major Gen. Gulliver SiƱeres, at Magalong ang resolusyon bago ito isumite sa National Peace and Order Council na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon sa militar at pulisya, nakabatay ang deklarasyon sa mga naunang pagsusuri sa antas ng mga lalawigan at lungsod kung saan naitala ang pagbuwag sa mga lokal na istruktura ng mga rebelde at kawalan ng malalaking insidenteng may kaugnayan sa insurhensiya.
Sa ilalim ng deklarasyon, inaasahang lilipat ang pokus ng mga awtoridad mula sa counterinsurgency operations tungo sa pagpapanatili ng kapayapaan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng batas, mabuting pamamahala, at mga programang pangkaunlaran. Mary Anne Sapico