SAN JUAN CITY, Philippines — Nanawagan ang pamahalaang lungsod ng San Juan sa mga residente at kalahok ng Wattah! Wattah! Festival na sumunod sa itinakdang “basaan zone” upang matiyak ang kaayusan at kapayapaan ng pagdiriwang ngayong Hunyo 24.
Ayon kay Mayor Francis Zamora, tanging ang mga kalahok na nasa loob ng lugar sa pagitan ng N. Domingo at P. Guevarra streets ang papayagang makibahagi sa tradisyunal na basaan mula alas-7 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon.
Sa ilalim ng City Ordinance No. 14, maaaring patawan ng multang P5,000 at pagkakakulong ng hanggang 10 araw ang sinumang mahuhuling nambabasa sa labas ng itinakdang lugar.
Ipinagbabawal din ng ordinansa ang paggamit ng maruming tubig at iba pang mapanganib na bagay tulad ng water bombs, bote, plastic bag, at mga kahalintulad na materyales.
Hindi rin pinapayagan ang sapilitang pagbubukas ng sasakyan, pananakot o pananakit sa ibang tao, pagpasok sa loob ng sasakyan upang mambasa, at paggamit ng high-pressure water sprayers.
Ipinagdiriwang taun-taon ang Wattah! Wattah! Festival bilang paggunita sa kapistahan ni San Juan Bautista, ang patron ng lungsod. Ang tradisyunal na basaan ay sumisimbolo sa paglilinis, pagbabago, at pagbibinyag kay Hesukristo sa Ilog Jordan. Dave Baluyot