MANILA, Philippines – ARESTADO ang hinihinalang lider ng Manila Drug Group sa bisa ng warrant of arrest sa kasong murder.
Ang suspek, na pansamantalang nasa kustodiya ng Calamba Component City Police Station, ay nakilala sa alyas Robin, 27, residente ng nabanggit na lungsod.
Base sa isinagawang press briefing kahapon na ginanap sa Multi-Purpose Hall ng Camp Vicente Lim, nadakip ang suspek dakong alas-8:15 ng umaga noong Hunyo 21, 2026, sa bisa ng warrant of arrest sa kasong murder sa ilalim ng Article 248 ng Revised Penal Code na inisyu ni Hon. Hector De Asis Buenaluz Jr., Presiding Judge ng Branch 103, Regional Trial Court, Fourth Judicial Region, Calamba City, Laguna.
Bukod dito, napag-alaman na ang suspek ay may warrant of arrest din sa kasong attempted murder na inisyu ng Regional Trial Court Branch 104 sa Lungsod ng Calamba, Laguna, na may kaukulang piyansa na nagkakahalaga ng P120,000.
Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na elemento ng Laguna Provincial Special Operations Unit, Regional Intelligence Team 4A at Calamba Component City Police Station sa Barangay Palingon, Lungsod ng Calamba, Laguna.
Ayon kay PBGen. Hansel M. Marantan, Regional Director ng PRO 4A, ang pagkakaaresto sa lider ng sindikato ng Manila Drug Group sa Lungsod ng Calamba ay magdadala ng kapayapaan sa komunidad.
“Ang tagumpay na ito ay isang mahalagang hakbang tungo sa tuluyang pagsugpo sa operasyon ng iligal na bentahan ng droga, na isa sa mga pangunahing sanhi ng kriminalidad sa mga komunidad hindi lamang sa Lungsod ng Calamba kundi sa buong lalawigan ng CALABARZON,” dagdag pa ni PBGen. Marantan.