MANILA, Philippines – Bilang bahagi ng hakbang sa pagpapabuti ng kaligtasan at kaginhawaan ng mga komyuter, ang Department of Transportation (DOTr) ay nagtatayo ng 103 modernong PUV stops sa buong bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez na marami sa mga commuter ang walang maayos na silungan tuwing masamang lagay ng panahon, habang ang kakulangan ng ilaw sa ilang lugar ay nagdudulot din ng problema sa kaligtasan, lalo na para sa mga estudyanteng bumibiyahe sa gabi.
Sa ngayon, nakakumpleto na ang DOTr ng 24 PUV stops sa Marikina, Maynila, Malabon at Quezon City sa Metro Manila, pati na rin sa Kalibo at Malay, Aklan. Samantala, 19 na PUV stops naman ang kasalukuyang itinatayo sa Muntinlupa City at Iloilo, habang naseguro na ang pondo para sa karagdagang 84 PUV stops sa Palayan City at Science City of Muñoz sa Nueva Ecija, Zamboanga, Quezon City, Cebu City at Mandaue City.
Ang mga modernong PUV stops ay magkakaroon ng upuan, CCTV cameras, ilaw, concrete bollards, tactile pavement para sa mga PWD, charging stations, solar panels at bicycle repair stations.
Sinusuportahan ng proyekto ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyan ang mga commuter ng mas ligtas at mas komportableng waiting areas para sa pampublikong transportasyon.