MUSCAT, Oman — Nagkasundo ang Iran at Oman na pag-aralan ang mga gastusin na maaaring ipataw para sa mga serbisyong may kaugnayan sa pamamahala ng Strait of Hormuz habang muling iginiit ng dalawang bansa ang kanilang karapatan sa mga teritoryal na katubigan sa naturang rutang pandagat.
Sa magkasanib na pahayag nitong Martes, sinabi ng dalawang bansa na magpapatuloy ang kanilang pag-uusap sa pamamagitan ng isang joint working group na susuri sa magiging sistema ng pamamahala sa paglalayag sa Strait of Hormuz at sa mga kaukulang serbisyo at gastos alinsunod sa international standards.
Kasunod ito ng plano ng Iran na magpatupad ng tinatawag nitong maritime service fees para sa mga sasakyang-dagat na dumaraan sa strait, bagay na mariing tinututulan ng Estados Unidos.
Ayon kay Omani Foreign Minister Badr Albusaidi matapos ang pakikipagpulong kina Iranian Foreign Minister Abbas Araghchi at chief negotiator Mohammad Bagher Ghalibaf, nananatiling nakatuon ang dalawang bansa sa “toll-free safe passage.”
Tatalakayin din ng working group ang hinaharap na administrasyon ng paglalayag sa Strait of Hormuz kasama ang iba pang mga bansa sa Gulf region, alinsunod sa memorandum of understanding na nilagdaan ng Iran at Estados Unidos.
Ang Strait of Hormuz ay isa sa pinakamahalagang rutang pandagat sa mundo kung saan dumaraan ang humigit-kumulang 20 porsiyento ng pandaigdigang suplay ng crude oil at liquefied natural gas. Pansamantalang isinara ito ng Iran sa kasagsagan ng tensyon sa Estados Unidos at Israel ngunit muling binuksan matapos ang kasunduang nabuo noong nakaraang linggo.
Nagbabala si US President Donald Trump laban sa anumang hakbang ng Oman na makibahagi sa pagkontrol sa naturang daluyan kasama ang Iran. Nagbanta rin si US Treasury Secretary Scott Bessent ng posibleng sanctions laban sa Muscat kung susuportahan nito ang pagpapatupad ng tolling system. Dave Baluyot