Home METRO Ilang bahagi ng Luzon, Visayas pinaulanan ni Francisco

Ilang bahagi ng Luzon, Visayas pinaulanan ni Francisco

3
0

MANILA, Philippines — Patuloy na magdadala ng pag-ulan ang bagyong Francisco at ang habagat sa ilang bahagi ng Luzon at Visayas ngayong Miyerkules, ayon sa PAGASA.

Makakaranas ng ulan at malalakas na bugso ng hangin ang Batanes at Babuyan Islands, habang asahan naman ang kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, at nalalabing bahagi ng Cagayan Valley dahil sa rain bands ng bagyo.

Magdudulot din ng kalat-kalat na pag-ulan ang habagat sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, Bicol Region, MIMAROPA, Western Visayas at Negros Island Region.

Ayon sa PAGASA, maaaring makaranas ng katamtaman hanggang malakas na ulan ang Batanes, Cagayan, Occidental Mindoro at Palawan ngayong Miyerkules, habang Bataan at Occidental Mindoro naman sa Huwebes. Binalaan ng ahensya ang publiko sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na madaling tamaan ng kalamidad.

Bandang alas-4 ng madaling araw, namataan ang bagyong Francisco 275 kilometro silangan ng Basco, Batanes. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 155 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 190 kph habang kumikilos pahilaga sa bilis na 10 kph.

Inaasahang patuloy na hihina ang Francisco ngunit mananatiling bagyo hanggang sa tuluyan itong lumabas ng Philippine Area of Responsibility sa Huwebes ng gabi o Biyernes ng umaga.

Samantala, binabantayan din ng PAGASA ang tropical storm Higos na nasa labas pa ng PAR. Huling namataan ito 2,285 kilometro silangan ng timog-silangang Luzon bandang alas-3 ng madaling araw.

May dala itong hanging aabot sa 65 kph at pagbugsong hanggang 80 kph habang kumikilos pakanluran sa bilis na 15 kph.

Posible umanong lumakas pa ang Higos bilang severe tropical storm at pansamantalang pumasok sa hilagang-silangang bahagi ng PAR mula Huwebes ng gabi hanggang Biyernes ng umaga. Tatawagin itong Gardo kapag nakapasok na sa PAR, ngunit hindi inaasahang magdudulot ng epekto sa lagay ng panahon sa bansa. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here