MANILA, Philippines — Sinisilip ng pulisya ang posibleng kaugnayan ng alitan sa pamilya at dating karanasan sa pananakit ng 14-anyos na suspek sa madugong pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Hunyo 22.
Ayon kay Lt. Col. Analiza Armeza, hepe ng Public Information Office ng Police Regional Office 8 (PRO-8), lumabas sa kanilang imbestigasyon na bagama’t hindi galing sa broken family ang dalawang menor de edad na sangkot sa insidente, may impormasyon na hindi maayos ang samahan sa loob ng pamilya ng isa sa mga ito.
“During the investigation, it was found out na hindi broken family itong dalawang CICL (child in conflict with the law). However, sa isang CICL, there is an information na may hindi magandang samahan within the family,” ani Armeza.
Aniya, madalas umano ang pag-aaway sa loob ng tahanan ngunit wala pang sapat na ebidensya upang matukoy kung ano ang ugat nito at kung may direktang epekto ito sa bata.
Binigyang-diin naman ng PRO-8 na hindi pa maaaring ituring na motibo sa pamamaril ang sitwasyon sa pamilya ng suspek.
Natuklasan din ng mga imbestigador na dati nang nairefer sa guidance office ang 14-anyos matapos umanong mabugbog noong nasa mas mababang baitang pa ito.
“Lumabas ‘yan sa investigation ng ating imbestigador na before sa lower level niya ay napunta sa guidance dahil allegedly ay nabugbog siya. So iyon ng prior record niya,” ani Armeza.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad kung may kaugnayan ang naturang insidente sa naganap na pamamaril sa paaralan na ikinamatay ng tatlong estudyante. RNT