Home NATIONWIDE Mas malawak na Asean anti-drug council vs transnational crimes isinusulong ni Dy

Mas malawak na Asean anti-drug council vs transnational crimes isinusulong ni Dy

3
0

MANILA, Philippines – Isinusulong ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang pagpapalawak sa mandato ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly Advisory Council on Dangerous Drugs (AIPACODD) upang maisama ang iba pang krimeng konektado sa ilegal na droga at mas epektibong matugunan ang lumalawak na banta ng transnational organized crime sa rehiyon.

Sa kanyang talumpati sa ika-9 na pagpupulong ng AIPACODD, sinabi ni Dy na mahalagang palakasin ang regional cooperation dahil ang mga krimeng may kaugnayan sa ilegal na droga ay hindi na lamang limitado sa loob ng isang bansa.

Ayon sa kanya, mas nagiging magkakaugnay na ngayon ang drug trafficking sa iba pang ilegal na gawain tulad ng money laundering, human trafficking at cybercrime.

“They are increasingly intertwined with a broader web of transnational organized crime that threatens regional security, undermines economic stability, and impedes human development. These threats recognize no borders. Neither should our response,” ani Dy.

Binigyang-diin din niya na hindi na sapat ang simpleng kooperasyon sa pagitan ng mga bansa dahil patuloy na sinasamantala ng mga sindikato ang pagkakaiba ng mga batas at kahinaan sa pagpapatupad ng mga ito sa iba’t ibang hurisdiksyon.

Dahil dito, suportado ng Pilipinas ang panukalang amyendahan ang Terms of Reference ng AIPACODD upang mapalawak ang saklaw nito at maisama ang mga krimeng direkta o hindi direktang nakikinabang sa ilegal na kalakalan ng droga.

Kapag naaprubahan, magiging AIPACODD Plus ang konseho na magkakaroon ng mas malawak na mandato laban hindi lamang sa drug trafficking kundi maging sa money laundering, human trafficking at cybercrime.

Samantala, sinabi ni Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs at tagapangulo ng pulong, na kailangang harapin ng mga bansang miyembro ng ASEAN ang lumalaking banta ng mga sindikatong gumagamit ng makabagong teknolohiya sa kanilang operasyon.

Aniya, patuloy ang paglawak ng merkado ng methamphetamine sa Southeast Asia, gayundin ang pagdami ng mga bagong synthetic drugs at mas sopistikadong paraan ng smuggling.

“The Philippines recognizes that the problem of illegal drugs has become increasingly transnational, adaptive, and technology-driven and that no nation can confront these challenges alone,” ani Flores.

Dagdag pa niya, mahalagang magsilbing plataporma ang AIPACODD para sa pagpapalitan ng mga pinakamahusay na polisiya at estratehiya ng mga bansang kasapi upang mapalakas ang laban kontra ilegal na droga habang pinangangalagaan ang karapatang pantao, kalusugan ng publiko at rule of law. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here