MANILA, Philippines – Lilipad papuntang Rome, Italy si Cebu Archbishop Alberto “Abet” Uy para tanggapin ang kanyang pallium mula kay Pope Leo XIV sa isang seremonya na gaganapin sa St. Peter’s Basilica sa Lunes, Hunyo 29, 2026.
Sinabi niya na ang seremonya ay kasabay ng pagdiriwang ng Solemnity of Saints Peter and Paul at dadaluhan ito ng iba pang bagong hirang na metropolitan archbishops mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
“Buong kababaang-loob akong humihingi ng inyong mga panalangin para sa akin at sa aking mga kapwa archbishop, nawa’y pagkalooban kami ng Panginoon ng ligtas na biyahe at tulungan kaming maging tapat na mga pastol ng Kanyang bayan,” sabi ni Uy.
Si Uy ay Obispo ng Tagbilaran, Bohol nang italaga siya ng Papa para mamuno sa Arkidiyosesis ng Cebu, kapalit ni Archbishop Jose Palma na umabot na sa edad na 75 para sa pagreretiro.
Si Archbishop Uy ang ikalimang obispo ng Arkidiyosesis ng Cebu, na may mahigit 170 parokya.
Sa kanyang pahayag, idinagdag ng prelado na mananatili siya sa Europe nang ilang araw para “magsagawa ng pilgrimage sa ilang banal na lugar sa Europe.
“Alam ninyo na aalalahanin ko kayong lahat at ang inyong mga intensyon sa aking mga panalangin.”
“Salamat sa inyong pagmamahal, suporta, at mga panalangin. Nawa’y patuloy tayong pagpalain ng Diyos, ang ating minamahal na Arkidiyosesis ng Cebu,” aniya. Jocelyn Tabangcura-Domenden