Home NATIONWIDE Tiwala ng mga negosyante sa Maynila sumipa sa isang taong pamamahal ni...

Tiwala ng mga negosyante sa Maynila sumipa sa isang taong pamamahal ni Isko

2
0
Nagsalita si Manila City Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso sa kanyang State of the City Address sa Quirino Grandstand nitong Miyerkules, Hunyo 24, 2026.Ginamit ni Domagoso ang milestone speech para idetalye ang mga pagsisikap ng kanyang administrasyon na "Bilis Kilos 2.0" na patatagin ang mga minanang utang ng lungsod, pamahalaan ang mahigpit na disiplina sa pananalapi sa pamamagitan ng mga pandaigdigang krisis sa langis. ERIC OCAPAN

MAYNILA — Nagbalik umano ang kumpiyansa ng mga negosyante at mamumuhunan sa Lungsod ng Maynila matapos maiahon ng administrasyon ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang lungsod mula sa mabigat na suliraning pinansyal na kanyang minana nang muling maupo sa City Hall noong nakaraang taon.

Sa pagdiriwang ng ika-455 anibersaryo ng pagkakatatag ng Maynila, ibinahagi ni Domagoso na kapansin-pansin ang pagdami ng mga negosyong nagparehistro at mga proyektong pinondohan ng pribadong sektor sa loob lamang ng unang taon ng kanyang panunungkulan.

Ayon sa alkalde, umakyat ng 332 porsiyento ang bilang ng mga bagong business registration habang tumaas naman ng 105 porsiyento ang mga business renewal sa lungsod. Kasabay nito, lumobo rin sa P9.3 bilyon ang halaga ng mga aprubadong construction project mula sa P2.7 bilyon noong nakaraang administrasyon.

“Kapag bumalik ang tiwala ng mga tao at mga katuwang natin sa pag-unlad, kasunod nito ang mga pamumuhunan at oportunidad,” ani Domagoso.

Binigyang-diin ng alkalde na hindi naging madali ang pagbangon ng lungsod dahil minana umano ng kanyang administrasyon ang P14.6 bilyong obligasyong pinansyal, kabilang ang mga hindi nabayarang utang sa mga nakaraang taon, mga contractor sa basura, at mga utility provider.

Larawan kuha ni Eric Ocapan
Larawan kuha ni Eric Ocapan

Gayunman, sinabi niyang nabawasan na ito ng P7.8 bilyon sa loob ng isang taon, dahilan upang lumiit na lamang sa P6.8 bilyon ang natitirang obligasyon ng lungsod. Ganap na rin umanong nabayaran ang P307 milyong pagkakautang sa mga kumpanya ng tubig at kuryente tulad ng Meralco, Maynilad, at Manila Water.

Dahil sa pinaigting na pangongolekta ng kita, umakyat sa 90.3 porsiyento ang collection efficiency ng lungsod mula sa dating 62.9 porsiyento. Nagtala rin ang Maynila ng P19.2 bilyong kabuuang kita, mas mataas ng 24 porsiyento kumpara sa P15.5 bilyon noong nakaraang taon.

Dagdag pa ni Domagoso, nakalikom din ang lungsod ng mahigit P309 milyon mula sa contractor’s tax matapos habulin ang mga flood control contractor na nagsasagawa ng proyekto sa Maynila.

Samantala, iniuugnay ng alkalde ang positibong resulta sa maayos na ugnayan ng ehekutibo at lehislatibong sangay ng pamahalaang lungsod, na aniya’y nagbigay-daan sa mas mabilis na pagpapatupad ng mga programa at serbisyo.

Kabilang sa mga programang kanyang ipinagmalaki ang “One Smart TV, One Laptop, One Classroom” para sa mga pampublikong paaralan at ang pinalawak na YorMilk feeding program para sa mga bata.

Ayon kay Domagoso, ang pagbangon ng pananalapi ng lungsod ay hindi lamang tungkol sa pagbabayad ng utang kundi sa pagbibigay ng mas mahusay na serbisyo sa mga Manileño.

“Hindi na nakikipaglaban para mabuhay ang Maynila. Nakikipaglaban na ito para sa mas magandang kinabukasan,” pagtatapos ng alkalde. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here