Home NATIONWIDE Halalan sa BARMM, tuloy na tuloy sa kabila ng peace rally sa...

Halalan sa BARMM, tuloy na tuloy sa kabila ng peace rally sa rehiyon

2
0

COTABATO CITY — Habang daan-daang mamamayan ng Bangsamoro ang nagtipon sa Cotabato City nitong Miyerkules, Hunyo 25, upang igiit ang ganap na pagpapatupad ng kasunduang pangkapayapaan sa rehiyon, mas pinaiigting naman ng mga awtoridad ang paghahanda para sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections na nakatakda sa Setyembre 14, 2026.

Itinuturing ang nalalapit na halalan bilang mahalagang yugto sa paglipat ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao tungo sa ganap na pagpapatakbo ng sarili nitong pamahalaan, kasabay ng lumalakas na panawagan ng iba’t ibang sektor na matiyak ang pagpapatuloy ng mga pangako sa ilalim ng peace process.

Patuloy ang Commission on Elections, katuwang ang mga pwersang panseguridad at iba pang ahensya ng pamahalaan, sa paghahanda para sa halalan sa kabila ng mga nakabinbing panukalang batas na may kaugnayan dito.

Sa isinagawang Bangsamoro Parliamentary Election Forum sa punong himpilan ng Western Mindanao Command sa Zamboanga City, muling tiniyak ni Comelec Chairman George Garcia na walang umiiral na legal na dahilan upang muling maantala ang halalan.

“Wala na kayong dapat isa-isip kung hindi tuloy na tuloy na ang eleksyon sa September 14,” ani Garcia.

Ayon sa kanya, apat na beses nang naipagpaliban ang halalan sa Bangsamoro sa mga nakalipas na taon. Wala rin aniyang Temporary Restraining Order mula sa Korte Suprema at walang batas na nag-uutos ng panibagong pagpapaliban.

“As long as the COMELEC is concerned, wala na pong makakapigil sa halalan sa Bangsamoro sa September 14. Tuloy na tuloy po ito,” dagdag niya.

Alam rin umano ni Garcia na may mga nakabinbing panukalang batas na may kinalaman sa halalan, ngunit iginiit niyang nasa Kongreso ang kapangyarihang magpasya ukol dito.

“Bagamat alam naman po namin na meron pong mga naka-pending na mga panukalang batas, ‘yan naman po ay diskresyon ng ating Kongreso. Sila naman po ang may final say,” saad niya.

Habang pinagdedebatehan pa ng mga mambabatas ang mga naturang panukala, sinabi ni Garcia na hindi hihinto ang Comelec at iba pang ahensya sa kanilang paghahanda upang matiyak ang mapayapa, maayos, at mapagkakatiwalaang halalan.

“Si COMELEC, kasama ang ating security forces, kasama ang iba pang ahensya ng pamahalaan ay tuloy-tuloy lamang po ang aming ginagawang paghahanda,” sabi pa niya.

Ang 2026 BPE ay itinuturing na isa sa pinakamahalagang hakbang sa pagpapatupad ng Bangsamoro Organic Law, kung saan ihahalal ng mga botante ang mga magiging miyembro ng Bangsamoro Parliament sa ilalim ng parliamentary system ng rehiyon.

Kaugnay nito, patuloy ang mga command conference, coordination meeting at iba pang operational planning activities ng mga election at security officials upang higit pang mapalakas ang seguridad, logistics, at kahandaan ng mga botante bago ang araw ng halalan.

Sa kawalan ng anomang opisyal na kautusan upang ipagpaliban ang eleksyon, nananatiling nakatuon ang mga ahensya ng pamahalaan sa matagumpay na pagsasagawa ng kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro, na isang mahalagang hakbang sa pagtatapos ng transisyon at pagpapatibay ng awtonomiyang ipinagkaloob sa rehiyon. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here