MANILA, Philippines — Nilinaw ng Japanese Embassy sa Maynila nitong Huwebes na mananatiling libre ang temporary visitor visa para sa mga Pilipinong mananatili sa Japan nang hanggang 90 araw.
Inilabas ng embahada ang paglilinaw matapos ianunsyo ng Japan ang pagtataas ng visa fees para sa ilang bansa, kabilang umano ang China, India at Vietnam.
“Please note that temporary visitor visa for stay within 90 days at maximum for Philippine Nationals remains as gratis,” ayon sa Japanese Embassy.
“The Embassy of Japan places great importance in strengthening the people-to-people exchange, which is a vital part of Japan and the Philippines bilateral relationship.”
Bagama’t libre ang short-stay visa, kinakailangan pa ring magbayad ang mga aplikante ng mandatoryong P800 service fee sa VFS Global, ang accredited third-party service provider ng embahada para sa visa applications.
Sa kasalukuyan, naniningil lamang ang Japanese Embassy ng P5,750 para sa single-entry long-term visa at P11,550 para sa multiple-entry long-term visa, bukod pa sa P800 service fee ng VFS Global. Dave Baluyot