MANILA, Philippines — Inatasan ng Office of the Ombudsman sina Senators Alan Peter Cayetano at Robin Padilla, gayundin ang dating Senate Sergeant-at-Arms na si Mao Aplasca, na magsumite ng kanilang sagot sa obstruction of justice complaint kaugnay ng pamamaril sa Senado noong Mayo 13.
Sa inilabas na kautusan, binigyan ang mga respondent ng hindi na mapapalawig na 15 araw mula sa pagtanggap ng reklamo upang magsumite ng kanilang counter-affidavits at iba pang ebidensya.
Inihain ang reklamo ni Tindig Pilipinas co-convenor Francis Aquino Dee kasama ang ilang grupo, kabilang ang Partido Manggagawa, Baigani Feminist Collective, Magdalo Party, Student Council Alliance of the Philippines, at Youth Resist.
Kung hindi magsusumite ng reply-affidavit ang mga complainant, ituturing na nakahanda na ang kaso para resolbahin. Nilinaw rin ng Ombudsman na hindi nito tatanggapin ang anumang mosyon para sa extension, dismissal, o iba pang dilatory pleadings.
Nag-ugat ang reklamo sa insidente ng pamamaril sa Senado noong Mayo 13 habang nasa protective custody ng Senado si Senator Ronald dela Rosa kaugnay ng nakabinbing warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) dahil sa umano’y crimes against humanity na may kaugnayan sa war on drugs.
Sa naturang insidente, nagpaputok ng warning shots si Aplasca sa mga salaming bintana ng Senado habang sinabi noon ni dating Senate President Alan Peter Cayetano na “under attack” ang Senado.
Hindi na muling nakita sa publiko si dela Rosa matapos umalis sa Senado kasunod ng insidente. Santi Celario