Home NATIONWIDE Pre-trial order sa impeachment trial ni VP Sara, ilalabas sa Hunyo 29

Pre-trial order sa impeachment trial ni VP Sara, ilalabas sa Hunyo 29

3
0

MANILA, Philippines – Ilalabas ng Senate impeachment court sa Hunyo 29 ang pre-trial order kaugnay ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos ang limang araw na pre-trial conference.

Ayon kay Senate Secretary at impeachment court clerk of court Renato Bantug Jr., ginagawa na ang draft ng pre-trial order na maglalaman ng mga napagkasunduang facts, mga testigo, trial dates at iba pang usapin ng prosekusyon at depensa.

Hanggang Hulyo 2 naman ang palugit sa magkabilang panig upang magsumite ng kanilang komento bago magpasya ang impeachment court kung kailangan pang amyendahan ang pre-trial order bago ang paglilitis sa Hulyo 6.

Hindi pa rin nakapagpapasya ang impeachment court sa kahilingan ng prosekusyon na buksan at markahan ang Bureau of Internal Revenue (BIR) box na naglalaman ng tax records ni Duterte at ng kanyang asawa.

Sinabi ni Bantug na hanggang Biyernes ang ibinigay na palugit sa depensa upang magsumite ng komento. Pagkatapos nito, ang mga senator-judge ang magpapasya kung bubuksan ang kahon bago ang paglilitis, sa mismong Hulyo 6, o kung magsasagawa pa ng hiwalay na pre-trial conference para lamang sa pagmamarka ng ebidensya.

Nilinaw ni Bantug na tuloy ang impeachment trial sa Hulyo 6 sa kabila ng nakabinbing usapin sa BIR box.

Bago ang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 27, isasagawa ang paglilitis tuwing Lunes hanggang Miyerkules simula alas-2 ng hapon. Pagkatapos ng SONA, gagawin naman ito tuwing Martes hanggang Huwebes sa parehong oras.

Idinagdag ni Bantug na mananatiling presiding officer ng impeachment court si Senate President Sherwin Gatchalian maliban kung maghalal ng bago ang mga senator-judge sa muling pagbubukas ng korte sa Hulyo 6. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here