MANILA, Philippines – Palalawakin ng National Youth Commission (NYC) ang sports-based youth development program nito upang mailayo ang mas maraming kabataang Pilipino sa ilegal na droga.
Sa isinagawang “Kilos Kabataan: Sports Against Drugs Camp 2026” sa PhilSports Multi-Purpose Arena sa Pasig City nitong Biyernes, sinabi ni NYC chairperson Jeff Ortega na layunin ng programa na suportahan ang paggunita sa International Day Against Drug Abuse and Illicit Trafficking sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas maraming oportunidad sa mga kabataan.
Ayon kay Ortega, tugon din ito sa mga ulat ng pagrerekrut sa mga menor de edad, kabilang ang mga 14-anyos, bilang drug courier. Aniya, nais ng programa na mabigyan ang mga kabataan ng kakayahang maging coach, organizer at sports worker.
“Instead na nagiging drug courier, puwede silang pumunta sa sports. Pero hindi puwedeng paliga lang. Kailangan may balik sa bata. Kapag tinuruan mo sila kung paano magpatakbo ng sports camp, puwede silang kumita bilang coach, organizer o scholar,” ani Ortega.
Katuwang ng NYC ang Dangerous Drugs Board sa pagsasagawa ng sports camp na dinaluhan ng mga opisyal ng Sangguniang Kabataan at iba’t ibang youth organizations mula sa Metro Manila. Plano rin aniyang dalhin ang programa sa mga lalawigan upang mas marami pang kabataan ang makinabang.
Binigyang-diin din ni Ortega ang mahalagang papel ng mga magulang sa paggabay sa kanilang mga anak at sinabing nakatutulong ang sports sa paghubog ng disiplina, integridad at malasakit.
“Kung hindi nila makuha ang guidance sa bahay, puwede nila itong makuha dito sa sports camp. Ang disiplina at integridad, hindi mo mabibili,” aniya. RNT