MANILA, Philippines – Tinutulan ng House prosecution panel ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na ang umano’y pagbabanta niya laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay saklaw ng kalayaan sa pagpapahayag o freedom of expression.
Ayon kay House trial spokesperson at Zia Alonto Adiong, walang karapatan sa ilalim ng Konstitusyon ang ganap na walang limitasyon.
“You know, all lawyers would agree that there’s no such thing as absolute freedom. All freedoms are also subject to some regulation,” ani Adiong.
“One cannot go around the streets accusing anybody of something without the necessary consequence of that action, either verbally or acted upon,” dagdag niya.
Ang isyu ay kaugnay ng pahayag ni Duterte noong Nobyembre 2024 na inutusan umano niya ang isang tao na patayin sina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at noon ay House Speaker na si Ferdinand Martin Romualdez kung may mangyaring masama sa kanya. Iginiit pa umano niya na ang kanyang sinabi ay “no joke.”
Ayon kay Adiong, ang epekto ng naturang pahayag sa mga pinagbantaan ang dapat pagbatayan ng impeachment court.
“It’s not actually her utterance that should be focused on. It’s the effect of that utterance on the person that is being threatened,” aniya.
“She herself qualified the degree of threat by actually saying these words. Siya mismo ang nagsabi: ‘no joke, no joke,’” dagdag niya.
Sinabi rin niya na ang Senado, bilang impeachment court, ang magpapasya kung ang naturang pahayag ay maituturing na betrayal of public trust o high crimes.
Samantala, sinabi ni Adiong na ang Senado rin ang magpapasya kung ipatatawag bilang testigo ang dating court sheriff na si Abe Andres, na humiling na huwag isama sa paglilitis.
Ayon sa kanya, nauunawaan nila ang pag-aalinlangan ni Andres matapos umano siyang masuntok ni Duterte noong 2011 habang nagpapatupad ng court order.
Nilinaw rin niya na ang listahan ng mga testigo at ebidensya na isinumite ng prosecution ay alinsunod lamang sa utos ng impeachment court, at ang Senado ang magpapasya kung sino ang ipapatawag sa paglilitis.
Nakatakdang simulan ng Senate impeachment court ang paglilitis sa Hulyo 6, matapos makumpleto ang pre-trial proceedings noong Hunyo 25. RNT/MDS