MANILA, Philippines – Posible pang magkaroon ng mas malakas na pagputok ang Bulkang Mayon matapos makitaan ng mga indikasyon ng panibagong supply ng magma sa ilalim nito, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Nakapagtala ang Mayon ng panibagong strombolian activity nitong Martes ng umaga na tumagal nang tatlong minuto.
Umabot sa 1,600 metro mula sa summit crater ang ibinugang ash plume bago ito tinangay ng hangin patungong southwest.
Dahil dito, muling nakaranas ng ashfall ang ilang lugar sa southwest sector ng bulkan.
Ayon kay PHIVOLCS Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division chief Antonia Bornas, kabilang sa maaaring maapektuhan ang Daraga, Camalig at Guinobatan. Maaari rin umanong umabot ang abo sa Ligao depende sa lakas at direksyon ng hangin.
Sinabi ng PHIVOLCS na mas mahirap hulaan ang aktibidad ng Mayon dahil isa itong open-vent volcano.
Napansin din ng mga volcanologist na mas madalas ang aktibidad ng bulkan nitong mga nakaraang taon kumpara sa dati nitong eruption intervals.
Ayon kay Bornas, mas marami ring lava o magma ang inilabas ng Mayon ngayong 2026 kahit mas maikli ang naging panahon ng pahinga at “recharge” nito.
Isa sa mga binabantayang indikasyon ang sulfur dioxide o SO2 emission.
Umabot umano sa 1,930 tonelada kada araw ang SO2 emission ng Mayon sa pinakahuling monitoring period.
Ayon sa PHIVOLCS, ang nananatiling mataas na sulfur dioxide emission sa kabila ng matagal nang aktibidad ng bulkan ay maaaring indikasyon na may panibagong magma na umaakyat o pumapasok sa volcanic system.
Dahil dito, sinabi ni Bornas na nananatili ang posibilidad ng susunod na eruption na maaaring mas malakas o mas mahina kaysa sa mga naunang aktibidad.
Nananatili ang Alert Level 3 sa Mayon, na nangangahulugang mataas ang volcanic unrest at may increased tendency toward a hazardous eruption.
Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa six-kilometer Permanent Danger Zone dahil sa banta ng pyroclastic density currents, lava flows, rockfalls at iba pang volcanic hazards.
Pinapayuhan din ang mga piloto na iwasang lumipad malapit sa summit dahil maaaring maging peligro sa aircraft ang volcanic ash mula sa biglaang pagputok.
Patuloy na minomonitor ng PHIVOLCS ang Mayon at maaari lamang ibaba ang alert level kapag nagpakita ito ng tuloy-tuloy at sapat na paghina ng aktibidad. Santi Celario