ALBAY, Philippines – Patuloy ang effusive eruption ng Mayon Volcano matapos makapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng lava effusion mula sa summit crater nito sa ika-173 magkakasunod na araw.
Naglabas ang Phivolcs ng time-lapse video at mga larawan na kuha noong gabi ng Hunyo 26 hanggang madaling araw ng Hunyo 27, na nagpapakita ng pag-agos ng lava mula sa bunganga ng bulkan.
Ayon sa Phivolcs, ang patuloy na pagputok ng bulkan ay nagdudulot ng incandescent lava flows, pyroclastic density currents (PDCs) o “uson,” at mga pagguho ng bato.
Nananatiling nakataas ang Alert Level 3 sa Mayon Volcano.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ).
Pinayuhan ng Phivolcs ang mga residenteng malapit sa bulkan na manatiling alerto at sundin ang mga abiso ng kanilang lokal na disaster risk reduction and management offices. RNT/MDS