MANILA, Philippines – Hinimok ni Senate President Win Gatchalian ang Energy Regulatory Commission (ERC) na paikliin ang panahon ng pagpoproseso sa pagpalit ng mga konsyumer ng supplier ng kuryente mula sa kasalukuyang distribution utility (DU), tulad ng Meralco.
Base kasi sa Energy Regulatory Commission (ERC), maaari nang mamili ang mga konsyumer ng nais nilang supplier ng kuryente kasunod ng bisa ng 100-kilowatt (kW) contestability threshold o ang “minimum level” ng konsumo ng kuryente para mabigyan ng option na mamili ng sariling power supplier.
Dati ay nasa 500 kW ang contestability threshold, ayon kay Gatchalian.
Sa madaling salita paliwanag pa ni Gatchalian, kung ang konsumo ng kuryente halimbawa ng mga kabahayan, maliliit na negosyo, o paaralan ay umabot o lumampas sa naturang threshold, hindi na lang sila nakaasa sa distribution utility dahil pwede nang pumili ng ibang supplier, na tinatawag na Retail Electricity Supplier (RES).
Dito, maaaring mas mura o mas malinis ang mapagkukunan ng kuryente.
“Malaking hakbang ang pagbubukas ng merkado, ngunit kailangan nating gawing mas mabilis at mas madali ang paglipat ng power source. Sa ngayon, maaari itong tumagal ng ilang linggo kumpara sa ibang bansa na inaabot lang ng ilang araw. Kapag pinabilis ang proseso, mas madali nang maa-access ng mga konsyumer ang presyong mas competitive at mas malinis na mapagkukunan ng enerhiya,” ani Gatchalian.
“Napapanahon talaga ang repormang ito lalo na ngayong itinataguyod natin ang renewable energy. Kapag ginawa nating mabilis at hassle-free ang paglilipat o switching ng power source, mas mae-engganyo ang mga tao na pumili ng mas malinis at mas murang kuryente,” sabi ng senador.
“Inaasahan nating mas marami ang makikinabang sa mas murang kuryente at mas malinis na enerhiya,” aniya. Ernie Reyes