COTABATO CITY — Nagbabala si Bangsamoro Minister of the Interior and Local Government Jordan Bayam laban sa mga aniya’y maling ulat at mapanlinlang na impormasyon kaugnay ng isinagawang Peace Rally ng United Bangsamoro Justice Party noong Hunyo 25 matapos umanong gamitin ang pinalobong bilang ng mga dumalo at mga kuwestiyonableng larawan upang magbigay ng maling impresyon sa publiko.
Ayon kay Bayam, hindi tugma sa opisyal na crowd estimate ng Philippine National Police ang mga ulat na nagsasabing umabot sa 400,000 katao ang dumalo sa rally. Batay sa tala ng pulisya, nasa 30,000 lamang ang bilang ng mga kalahok.
“The public deserves truthful reporting, not exaggerated narratives designed to create a false impression of overwhelming public support,” sabi ni Bayam.
Sinabi ng ministro na ang malaking agwat sa pagitan ng crowd estimate ng pulisya at ng inilathalang bilang ng mga dumalo ay nagdudulot ng seryosong pagdududa sa kredibilidad ng naturang mga ulat at nagpapakita ng kahalagahan ng pag-asa sa opisyal at beripikadong mga impormasyon.
Nagpahayag din si Bayam ng pagkabahala sa mga larawan at drone footage na kumakalat umano sa social media na nagpapakita ng napakalaking bilang ng mga dumalo sa pagtitipon noong Hunyo 25.
Ayon sa kanya, may ilang ibinahaging larawan na tila nagmula sa “Moral Governance and Anti-Corruption Rally” na isinagawa noong Hunyo 22 ng mga tagasuporta ni Chief Minister Abdulraof Macacua, dalawang araw bago ang Peace Rally ng UBJP.
“If verified, using photographs from a different political gathering to portray another event would amount to misleading the public and undermining the integrity of public discourse,” saad pa ni Bayam.
Nanawagan si Bayam sa mga media organization at social media users na maging maingat sa pagberipika ng mga larawan, video, at attendance figures bago ito ilathala o ibahagi lalo na sa gitna ng umiigting na political polarization sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Lumabas ang usapin kasabay ng tumitinding tensyong pampulitika sa pagitan ng administrasyon ni Macacua at ng kampo ni dating Education Minister Mohagher Iqbal na kamakailan lamang ay tinanggal sa pwesto matapos ang mga legislative inquiry kaugnay ng umano’y mga iregularidad sa Ministry of Basic, Higher and Technical Education.
Patuloy na nagsasagawa ng mga pagdinig ang Bangsamoro Parliament kaugnay ng umano’y mga problemang pinansyal at administratibo sa MBHTE.
Kabilang dito ang naiulat na hindi naihulog na humigit-kumulang P415 milyong GSIS contributions na nakaapekto sa 10,000 guro at empleyado, ang pagkakadiskubre sa umano’y hindi awtorisadong bank account na sinasabing nakapamahala ng P4.9 bilyong deposito, at ang matagal na pagkaantala sa pagtatalaga ng libu-libong guro at iba pang education personnel.
Ayon kay Bayam, ang pagkalat ng maling impormasyon sa isang sensitibong panahong pampulitika ay lalo lamang nagpapalalim sa pagkakahati ng publiko at inililihis ang atensyon mula sa mahahalagang usaping pangpamamahala na kinahaharap ng pamahalaang Bangsamoro.
Hinimok niya ang mga tagasuporta at kritiko ng regional government na makibahagi sa responsableng diskursong pampulitika na nakabatay sa mga katotohanan at hindi sa propaganda.
Binigyang-diin niya na ang demokratikong talakayan ay dapat nakasandig sa transparency, accountability, at paggalang sa katotohanan..
Sa oras ng paglalathala, wala pang inilalabas na pahayag ang mga organizer ng June 25 Peace Rally kaugnay ng mga sinabi ni Bayam tungkol sa crowd estimate at sa umano’y paggamit ng mga mapanlinlang na larawang kumalat sa social media. RNT